Dalawa patay sa magnitude 6.1 na lindol sa Japan

Dalawa patay sa magnitude 6.1 na lindol sa Japan

June 18, 2018 @ 2:19 PM 4 years ago


Japan – Dalawang indibidwal na ang napabalitang nasawi sa magnitude 6.1 na lindol na tumama sa Osaka, Japan kaninang umaga.

Ayon sa pulisya, isang siyam na taong gulang na babae ang namatay sa lungsod ng Takatsuki na matatagpuan sa hilagang bahagi ng Osaka matapos ma-trap sa bumagsak na pader ng kanyang paaralan.

Isa ring 80-taong-gulang na lalaki ang napaulat na namatay rin sa bumigay na pader.

Sa inisyal na pagtaya ng Japan Meteorological Agency, nasa magnitude 5.9 ang lindol at kalaunan ay itinaas na sa 6.1.

Wala namang inisyung tsunami warning ang ahensiya.

Patuloy pa ang pag-assess ng Japan government kung may iba pang casualties.

Samantala, wala namang naiulat ang Department of Foreign Affairs na nasawi sa 16,295 miyembro ng Filipino Community sa Kansai Region.

Nakiramay rin si DFA Sec. Allan Peter Cayetano sa nangyaring kalamidad sa Japan. (Remate News Team)