Dalawang bata, nilamon ng sapa sa Cagayan

Dalawang bata, nilamon ng sapa sa Cagayan

July 18, 2018 @ 11:20 AM 5 years ago


Cagayan – Nasawi ang dalawang bata na pawang mga grade 8 students matapos malunod sa isang sapa sa Lasam, Cagayan sa kasagsagan ng pananalasa ng Habagat kahapon.

Hindi na pinabanggit ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang batang lalaki na parehong nasa edad 13 anyos.

Lumalabas sa inisyal na report ng Lasam police, nagsuspinde ang lahat ng klase sa lahat ng antas sa paaralan sa lugar dahil sa walang patid na buhos ng malakas na ulan dala ng Habagat.

Subalit imbes na pumirmi sa kanilang mga bahay ay nagpaalam umano ang mga bata na mamimitas ng prutas ngunit nagkayayaan ang mga ito na maligo sa sapa na hindi kalayuan.

Habang nasa kalagitnaan ng pagliligo ng mga biktima ay bigla na lamang umano silang lumubog at hindi na muling lumitaw.

Natagalan pa umano ang pagsaklolo ng ilang mga residente sa lugar dahil nasa isang kilometro   ang layo ng sapa.

Sinubukan pa umanong sagipin ang buhay ng mga bata sa pamamagitan ng pag CPR subalit huli na. (Jeff Gallos)