Manila, Philippines – Dalawang bata ang namatay sa probinsiya ng La Union habang mahigit sa 600 na pamilya sa Pangasinan ang lumikas dahil sa tatlong araw na tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng habagat na naging dahilan ng landslide at pagbaha.
Kinilala ang dalawang bata na sina John Jonard Galleros, 12-anyos, at ang kaniyang kapatid na si Joseph Galleros, 11-anyos. Natabunan ng lupa ang kanilang bahay sa bayan ng Agoo, kung saan wala ng buhay ang dalawa ng matagpuan ng rescuer.
Natutulog umano ang dalawang bata nang bumagsak sa kanilang bahay ang 4 na talampakang putik, dakong alas-4 ng umaga, matapos ang tuloy-tuloy na pag-ulan na tumama sa Ilocos at rehiyon ng Cordillera noong Biyernes ng gabi at Sabado ng umaga.
Kahapon (July 21), nagdeklara na ang Dagupan council ng state of calamity sa siyudad upang makakuha ng badget para sa 31 na binahang bayan. Nagdeklara na rin ng state of calamity ang siyudad ng San Carlos at Sta. Barbara.
Nauna rito, nagdeklara rin ng state of calamity ang Lagawe sa proinsiya ng Ifugao at bayan ng Paombong sa Bulacan dahil sa pagbaha at landslides. (Remate News Team)