DALAWANG BRAND NG ANTIGEN TEST, PASADO NA SA FDA

DALAWANG BRAND NG ANTIGEN TEST, PASADO NA SA FDA

January 27, 2022 @ 4:58 AM 8 months ago


PINAYAGAN na ng Food and Drug Administration ang paggamit ng dalawang brands ng antigen test kits na maaaring gamitin ng publiko sa kani-kanilang bahay para malaman kung meron sila ng COVID-19 o wala. Ito ay ang Abbott Panbio at Labnovation Technologies.

 Ayon sa ahensya, may 31 pang dumaraan sa performance validation ng Research Institute for Tropical Medicine.

 Paalala pa ng FDA, bilang pag-iingat, pinaalalahanan ang publiko na bumili lang ng mga home test kits na sinertipikahan ng ahensya na pwede nang bilhin sa mga lisensyadong botika dahil may temperature requirements ang ilan dito.

 Karagdagan pa, dapat tingnan ng mga mamimili ang expiration date nito at basahin muna ang instructions bago gamitin.

Sinabi na ng Department of Health na pinakamabisa ito sa pag-alam kung may COVID-19 ang isang tao kung nagpapakita sila ng sintomas ng COVID-19. 

Bagama’t malaki ang posibilidad na malaman nito kung positibo ang tao, kailangan pa ring gumamit ng RT-PCR test upang matiyak kung negatibo ang resulta.

Marami nang bansa ang gumagamit ng ganitong home-testing kits gaya ng Israel at United Kingdom. At libre pa itong ipinamimigay sa publiko.

oOo

Sa Kabila ng COVID-19 surge noong 2021, MRT 3 nakapagsilbi pa rin sa 45.67 million commuters

  Iniulat ng DOTr o ng Department of Transportation na may kabuuang 45.67 million commuters o average na 136,935 daily commuters ang napagsilbihan ng MRT 3 o Metro Rail Transit Line 3 noong 2021, ito ay sa gitna ng naranasang COVID-19 surge dala ng Delta variant.

 Batay sa datos ng Kagawaran, noong Enero 2021 at Pebrero 2021 ay nasa 4.1 million commuters ang kanilang nairekord habang 3.9 million naman noong Marso 2021.

 Nang isailalim ang NCR sa  mo­dified enhanced community quarantine noong Abril 2021, bumaba ang monthly ridership sa 2.2 million habang noong Mayo, tumaas itong muli sa 3.5 million.

Tumaas namang muli ang monthly ridership sa mga sumunod na buwan na umabot ng 3.7 million noong Hunyo 2021 at 4.2 million naman noong Hul­yo, kasabay nang pagluluwag ng NCR sa GCQ classification.

Noong Agosto 2021 naman, bumaba muli ang bilang ng mga mananakay sa 2.9 million ng itaas muli ang NCR sa pinakaistriktong ECQ classification dahil sa surge ng COVID-19 cases na dulot ng mas nakahahawang Delta variant.

Sa natitira namang buwan ng 2021, nagkaroon na ng steady increase sa ridership sa NCR dahil sa unti-unting pagluluwag ng quarantine status hanggang sa tuluyan nang ipatupad ang alert level status.

Naging posible anila ito nang maitaas rin ang train capacity ng MRT-3 ng mula 30% o karagdagang 372 pasahero sa bawat train set ay naging 70% na adisyunal na 827 pasahero kada train set simula Nobyembre 4.

Ang mataas na ridership ay nagpapakita ng improved reliability ng rail line ngayong panahon ng pandemya.