Quezon Province – Dalawang indibidwal ang nasawi habang tinatayang 13 ang nasugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa Atimonan, Quezon province.
Ayon kay Chief Insp. Michael Encio, ang Atimonan police chief, nawalan umano ng preno ang trak na minamaneho ni Elmer Gomez habang nagmamaniobra sa pababang bahagi ng diversion road sa Barangay Santa Catalina dakong alas-2:40 ng madaling araw.
Dahil dito, sumalpok ang trak sa isang Mitsubishi L300 van na dala ni Ronnie Panteriore at sa lakas ng impact ay bumangga rin ang van sa isang Isuzu drop side truck na minamaneho ni Randy Asiao.
Dead on the spot ang dalawang pasahero ng van na sina Shielo Corbito, 14, at Evelyn Asiao, 57-anyos.
Sugatan naman ang drayber ng van na si Panteriore at kanyang mga pasahero na sina Elisio, Irene, Justine, Analyn at Alvin Asiao; Medina Castillo, Arlene Corbito, James Angelo Bernal, at Brixter Rita. Magkakamag-anak ang mga naturang biktima na patungo sana ng Bicol.
Nasugatan din sa aksidente ang drayber ng trak na si Gomez at ang kanyang mga sakay na sina Michael Rosales at Guillermo Chavez.
Isinugod na sa Doña Martha Memorial District Hospital sa Atimonan ang mga sugatan habang nagpapatuloy pa ang pagsisiyasat ng pulisya sa insidente. (Jeff Gallos)