Dalawang parak patay sa tandem

Dalawang parak patay sa tandem

December 3, 2022 @ 1:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang dalawang miyembro ng Mabalacat City PNP na nakatalaga sa SDEU nang itumba ng riding-in-tandem sa South Daang Bakal Road, Dau, nang nabanggit na lungsod.

Ang mga biktima ay kinilalang sina PSMS Sofronio Capitle Jr. at PSSG. Dominador Gacusan Jr.

Naganap ang pamamaril madaling araw ng Sabado, Disyembre 3 kung saan sa paunang imbestigasyon ay nasa limang suspek ang posibleng sangkot na sakay ng dalawang motorsiklo.

Pawang nakasuot ang mga ito ng bonnet at longsleeves.

Dagdag pa, iniulat na ang dalawang biktimang pulis ay mula sa kanilang anti-illegal drugs operations kung saan habang sakay din sila ng motorsiklo ay sinundan ang mga ito ng hindi pa nakikilalang mga suspek sabay pinaputukan para bumagsak ang mga ito sa kalsada.

Bumaba ang mga suspek sa kanilang mga motorsiklo at pinagbabaril pa ang mga biktima sa kanilang ulo na sa agarang pagkamatay.

Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa nangyaring krimen. Val Leonardo