HUSTISYA AT PAGLAYA NG MGA OFW

January 26, 2023 @2:15 PM
Views: 106
ANO-ANO ba ang mga dapat gawin upang maligtas sa kapahamakan ang mga overseas Filipino worker?
Kaugnay ito ng pagpatay kay Jullebee Ranara ng anak ng kanyang amo sa Kuwait na ngayo’y inaasikaso ng ating pamahalaang Marcos.
Sa isang banda, may mga bansang maayos ang kanilang kalagayan.
Sa Europa, sa Amerika, at sa Asya, kasama ang Japan at China, walang gaanong nababalitaang hindi magandang nangyayari.
Sa kabilang banda, may mga bansa namang pinagmamalupitan sila gaya ng sa Kuwait.
Ang ilang bansang doon nalagay din sa alanganin ang mga OFW, gumagawa na rin ng paraan na hindi madehado o mapagmalupitan sila, gaya sa Saudi Arabia at iba pang ilang bansa sa Gitnang Silangan.
BALIK KAY JULLEBEE
Isang 35 anyos, may apat na anak si Jullebee.
Nag-abroad siya sa paniniwalang mapagkalooban niya ng magandang kalagayan ang kanyang mga anak at buong pamilya.
Naging kasambahay.
Subalit, habang nagtatrabaho, pinagmamalupitan siya, lalo na ng anak na lalaki ng kanyang amo.
Huli na ng nalaman natin, mula sa mga pahayag ng mga nakakikilala at pahayag ni Sen. Jinggoy Estrada, ang nakasusulasok at napakabigat sa dibdib na katotohanan kung paano siya pinagmalupitan ng 17 anyos na anak ng kanyang amo.
Nabuntis siya ng nasabing suspek, dinala sa disyerto saka sinagasaan at sinunog.
Natagpuan ng mga pulis ang kanyang bangkay nang sunog na at basag ang bungo, marahil dahil sa dalawang pananagasa ng sasakyan o kaya sa ibang paraan para lang tiyak siyang mamatay at hindi makilala.
Ang nakagagaan ng loob, mga Bro, pinuntahan at hinuli ng mga pulis ang salarin at nakikipagtulungan na ang pamahalaang Kuwait para sa kaukulang aksyon.
Sana sa huli, makamit ng pamilya Ranara ang hustisya.
Hiwalay na usapin ang mga ayuda mula sa pamahalaan at sa mga kontrata sa empleyo, kasama ang insurance.
Deepest condolences po sa buong pamilya ni Jullebee Ranara!
ANO-ANO ANG MGA GAGAWIN?
Dahil sa pangyayari, kinukuwestiyon ng iba ang buong sistema ng empleyong pang-abroad.
Sabi nila, dapat walang mag-aroad na Pinoy para hindi siya siya mapahamak.
At kasalanan lahat ito ng pamahalaan!
Ganu’n?
Ang totoo, pinakamagandang tanungin ang mga may paninindigan at pananaw na ito kung ano-ano na ang kanilang pinaggagagawa para rito.
Kasama ba sila sa mga nagsusulong ng mga programa o kilusang tunay na ikauunlad ng buong bansa para magkaroon ng pamunuhunan at empleyo sa loob ng mahal kong Pinas at dito mamamasukan ang mga Pinoy at hindi na kailangang mag-abroad para mabuhay at magkaroon ng maayos na kinabukasan?
Aba, maganda, mga Bro, kung meron sila nito.
At sasama tayo sa kanila.
Pero, ano kaya ang masasabi ng mga namumuno sa pamahalaan?
Malaki ang ating paniniwala na higit silang may hawak ng mga kakayahan at pamamaraan upang malutas ang ang mga problema sa empleyong pang-abroad at pandayin ang lahing kayumanggi para malabanan nito ang kalupitan sa mga obrero at itanghal ang kanilang dangal.
PAGTATAMA SA MALING BALITA

January 26, 2023 @1:54 PM
Views: 75
IBA ang sinasabi ng ilan sa pagpunta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Davos, Switzerland para dumalo sa World Economic Forum .
Kesyo lamyerda lamang daw ito at sinayang ang malaking pondo para magbakasyon ang Pangulo at kanyang pamilya kabilang na ang ilang mga opisyal ng pamahalaan.
Di ko na tutukuyin pa isa-isa kung sino ang mga nagkakalat ng mga ganitong mga iñuendos kasama na ang ibang malalaking media outfit na walang ginawa kundi siraan ang kasalukuyang administrasyon.
Mahalagang itama natin ang maling balitang ito.
Sa totoo lang malaki ang nagawa ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagdalo nito sa WEF. Siyam na multinational firms lang naman ang napapayag niya na maglagak ng puhunan at negosyo rito sa Pinas.
Bakasyon at lamyerda bang matatawag ito? Ang pakikipagpulong ba sa mga Chief Executive Officer ng malalaking kumpanya ay lamyerda nang matatawag. Hindi ah!
Naipakilala pa nga ni PBBM ang kontrobersyal na Maharlika Fund upang maenganyo ang mga negosyanteng mag-invest dito, para umangat ang ating ekonomiya.
Isa rin sa magandang resulta ng pagdalo ni PBBM sa WEF ay ang pagkakopo sa Astranis, isang US-based provider ng ‘low-orbit satellites’ na makapagpabilis sa pag-gamit ng internet.
Sa isa nga niyang pakikipagpulong, nadiinan at naselyuhan ang pamumuhunan ng kumpanyang Morgan Stanley, dito sa ating bansa.
Maging ang DP World na Dubai-based multinational logistics ay nadale ni Pangulong Bongbong na maglagay ng industrial park sa Clarkfield sa Pampanga.
Maraming “na-accomplish” ang bakasyong ito sa Switzerland. Naipaliwanag pa ni PBBM ang lagay ng ating ekonomiya at kung saan ang direksiyon nitong tinatahak.
Ilan lamang ‘yan sa mga nagawa ni PBBM na sinasabi ng iba na pagbabakasyon sa Davos, Switzerland. Kasi kung dudugtungan ko pa, kapusin ang espasyo ko para sa pahayagang ito.
oOo oOo oOo
Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!
PAANO MAGING SAFETY OFFICER SA PINAS?

January 26, 2023 @1:45 PM
Views: 70
KABILANG sa pagpapaigting ng batas sa occupational safety and health ang pagkakaroon ng safety officer o SO sa bawat establisimyento. May multang P40K kada-araw ang maaaring ipataw ng Department of Labor and Employment sa alinmang kompanyang susuway.
Sa talaan ng International Labor Organization, alam n’yo bang may average na 2.3 milyon katao bawat taon sa buong mundo ang namamatay dahil sa work-related accidents at illnesses? Kung susuriin natin ang statistics, aabot sa 6K katao ang nasasawi kada-araw.
Ayon sa batas, para masigurong tumatalima at naipatutupad ang requirement ng OSH program, kailangang kumuha o mag-designate ng safety officer ang bawat establisimyento.
Maliban sa pagkakaroon ng accredited OSH practitioner at consultant na tanging labor department lamang ang nagkakaloob, may apat pang kategorya para ma-qualify bilang SO ng kompanya.
SO1 ang tawag sa mga nakatapos ng DOLE-prescribed course na 10-Hr basic OSH course for SO1.
Mas angkop ito para sa mga micro, small and medium enterprise at low risk establishment na kokonti lamang ang empleyado. May magkahiwalay na 40-Hr prescribed courses para sa general at construction industry naman ang kailangang tapusin ng mga gustong maging SO2. Hindi kailangan ang experience sa qualification ng SO1 at SO2.
Sa kaso ng SO3, kailangang may 2 taon na experience bilang safety officer at dagdag na 48 hours advanced o specialized safety training course maliban sa natapos na 40-Hr prescribed courses na kinukuha rin ng isang SO2.
Mas mabigat naman ang requirement para maging SO4. Kailangang may 4 year SO3 experience ang aplikante. Maliban sa nakuha niyang 40-Hr prescribed course, kailangan niyang tapusin ang 80 hours advanced o specialized safety training courses at 320 hours na sama-samang related training at experience.
Kinakailangan lamang na isumite ng bawat aplikante ang kopya at ipakita ang orihinal na training certificates, certificate of employment at iba pang mahahalagang dokumento sa human resource department ng kompanya para maibigay ang official appointment kung sakaling makapasa sa evaluation.
Basahin ang department order 198-18 Chapter 4, Section 14 at labor advisory 04-19 ng DOLE para sa kumpletong detalye.
STUDE PATAY SA AKSIDENTE, STUDENT COUNCIL NANAWAGAN

January 26, 2023 @1:43 PM
Views: 86
ISANG malungkot na balita ang naganap sa Cavite State University sa main campus nito sa Indang, Cavite noong Enero 23 taong kasalukuyan kung saan isang estudyante ang nasawi habang apat pa ang nasugatan.
Base sa ulat na naitala sa Indang Municipal Police Station, iniwang nakaparada ng driver ang isang puting Elf truck malapit sa outpost ng gate ng Saluysoy Resort na mismong nasa loob ng CvSU.
Bigla na lang umano umandar (gumulong pababa) ang nasabing sasakyan bagaman walang taong nakaupo sa harap ng manibela nito. Bagaman marami ang nakapansin sa paggalaw ng sasakyan ay walang nakagalaw upang pigilan ito.
Sa malas, nahagip ng trak ang umpukan ng mga estudayante na noon ay pawang nagpapahinga at nagre-review para sa kanilang exams sa linggong ito.
Dead on the spot ang isang babaeng freshman college nang maipit sa pagitan ng elf truck at puno. Sinasabing taga-Trece Martires City, Cavite ang biktima.
Tatlong kaklaseng babae naman ng nasawi at isang lalaki na estudyante rin ng nasabing paaralan ang sugatan kaya’t kaagad na isinugod sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires City ng Indang Rescue Team (Indang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ).
Aminado ang driver ng sasakyan na taga-Indang, Cavite na nakalimutan niyang i-hand brake ang trak. Nasa kostudiya ng pulis ang driver.
Kaugnay naman ng balita, nanawagan ang Central Student Government ng CvSU Main Campus sa mga estudyante at mga nakiusyoso na huwag mag-post sa social media ng mga larawan ng pangyayari bilang respeto sa biktima at sa pamilya nito na nasa kalagitnaan ngayon ng pagdadalamhati.
Ipinanawagan na rin ng CSG sa CvSU Administration na kung maari ay suspendihin na lang muna ang nakatakdang fiinals examinations sa linggong ito dahil sa pangyayari.
Para naman sa mga estudyante na nakasaksi sa pangyayari na dumaraan sa takot at lungkot, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan at lumapit sa University Guidance Counselor upang matulungang mapayuhan upang maiwasan ang pagkakaroon ng trauma o iba pang posibleng magbigay sa kanilang ng alalahanin.
MANILA WATER DESLUDGING ISKEDYUL PARA SA 1ST QUARTER NG 2023

January 26, 2023 @1:27 PM
Views: 46