Dalawang sekyu, inatake ng kabaro, 1 patay at 1 sugatan

Dalawang sekyu, inatake ng kabaro, 1 patay at 1 sugatan

May 30, 2021 @ 4:46 PM 2 years ago


CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Nasawi ang isang security guard at nasugatan naman ang kasamahan nito nang pagsasaksakin sila habang natutulog ng kasamahan ding bantay sa loob ng guard house ng isang subdivision sa Barangay H.Concepcion ng lungsod na ito, Linggo ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Lt. Col. Barnard Danie Dasugo, hepe ng pulisya rito, ang napatay na biktima na si Billy Joe Salanga, ng Barangay Pamaldan, dito, habang nilalapatan ng lunas sa Nueva Ecija Doctors Hospital si Jaynard Manabat, 32, ng Purok 4, Barangay Sumacab Norte, rito, at kapwa security guard ng Don Jose Real Subdivision.

Nagsasagawa naman ng manhunt ang pulisya laban sa tumakas na suspek na si Joseph Tamayao ng Barangay Talipapa, rito at kasamahang guwardiya ng dalawang biktima.

Sa ulat ng pulisya, nabatid na ala-1:45 ng madaling-araw ng Linggo, dumating sa guard house ang suspek na si Tamayao at bigla na lamang umanong pinagsasaksak ang dalawang natutulog na kasamahan.

Nagising umano si Manabat dahil sa sakit at kirot ng saksak na tinamo nito sa kaliwang bahagi ng kanyang mukha at dito nakitang sinasaksak silang dalawa ng nasawing si Salanga ng suspek kaya’t biglang bangon ito at lumabas sa guard house para sa kanyang kaligtasan.

Agad din umanong tumakas ang suspek batay sa nakuhang cctv footage ng pulisya sa naturang lugar.

Ilang saglit nang makaalis ang suspek ay agad tinungo ni Manabat ang kasamahang si Salanga ngunit binawian na ito ng buhay.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pag-atake ng suspek sa kanyang dalawang kasamahan.  —Ver Sta. Ana