Dam safety bill isinusulong ng OCD

Dam safety bill isinusulong ng OCD

October 21, 2022 @ 2:57 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Isinusulong ng Office of Civil Defense (OCD) ang pagbuo ng batas na magsisiguro sa ligtas na operasyon ng mga dam sa bansa.

Kabilang din dito ang paghahanda ng mga komunidad malapit dito laban sa banta ng pagbaha.

Kaugnay nito, pinangunahan ng OCD ang Technical Working Group of the National Committee on Dam Safety (NCODS-TWG) sa pakikipagtulungan ng Department of Energy para sa isang write-shop na magpapabuti pa ng draft sa National Dam Safety Guidelines and proposed Dam Safety Bill.

Nitong Huwebes, Oktubre 20 ay nagtapos na ang dalawang araw na workshop na ito na isinagawa sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

“Dam safety, in terms of dam integrity and its operation, is extremely important to ensure the protection of people and properties against potential threats,” pahayag ni OCD Policy Development and Planning Service Officer in Charge (OIC) Elson Tayko kung saan idiniin niya ang kahalagahan ng pagbuo ng dam safety guidelines at dam safety bill para sa mga kalamidad na dumadaan sa bansa.

“It is a manifestation of our shared goal of protecting the communities through the performance of our respective mandates,” dagdag pa niya.

Noong 2011 ay inihain ang dam safety bill sa Kongreso upang matugunan ang mapaminsalang epekto ng matinding baha na mas pinapalala pa umano ng pagpapakawala ng tubig mula sa dam subalit hindi ito naging matagumpay.

Samantala, nitong 2020 ay inaprubahan na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pagbuo ng dam safety committee upang maging tagapamagitan sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services (PAGASA) at iba pang ahensya na may kaugnayan sa pamamahala ng mga dam. RNT/JGC