DAMAGES NG SHEAR LINES AT LPA MATINDI

DAMAGES NG SHEAR LINES AT LPA MATINDI

January 6, 2023 @ 1:42 AM 4 weeks ago


MALAKING pinsala ang iniwan noong 2022 ng Shear Lines at Low Pressure Areas sa bansa kung saan nagdulot ito nang malawakang pagbaha sa ilang rehiyon dito lalo na sa Kabisayaan at Mindanao.

Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot sa P234.78 milyon ang halaga ng mga pananim na nasira dahil sa mga pagbaha sanhi ng walang puknat na pagbuhos ng ulan sa ilang mga lalawigan sa region 8, 9 at 10.

Umabot sa halos 7,707 libong hektaryang pananim ang nawasak kung saan 3,769 ay sa Region 10 na may pinakamataas din na bilang ng mga mangingisda at magsasaka na apektado bunsod nang sunod-sunod na sama ng panahong kadalasan ay sa Mindanao na pumasok.

Bagaman siyam ang napaulat na nawawalang mangingisda sa Catanduanes sa Bicol ngunit karamihan sa mga namatay noong kasagsagan ng weather disturbances na ito ay mula sa Mindanao na pagkalunod naman ang ikinasawi.

Idinagdag pa ng NDRRMC na umabot naman sa 1.137 milyong imprastraktura ang nasirang karamihan ay mga tulay at iba pang dulot ng rumaragasang baha kabilang dito ang P4.1 milyon sa Mimaropa, P5 milyon sa Bicol, P7.2 sa Regions9, P1.1 milyon sa region 10 at P4 milyon naman sa Region 11.

Samantala, mas malaki ang nasirang mga paaralan sanhi ng malawakang pagbaha na ito kung saan umabot sa P363 milyon ang iniulat ng Department of Education kabilang ang 25 classrooms sa Northern Mindanano, sampu sa Caraga at isa sa Zamboanga Peninsula.

Kung susuriin ang mga pinsala,mistulang malalakas na bagyo ang dumaan sa naturang mga lugar na nagpapatunay lang na iba na ang takbo ng panahon ngayon na ayon sa weather experts ay sanhi ng global warming na ang madalas tamaan ay ang maliliit na bansa tulad ng ‘Pinas.

Ipalagay pa na agarang pinabibigyan ng ayuda ni Pangulong Bongbong Marcos sa Department of Social Welfare and Development at iba pang ahensya ang mga apektadong indibidwal subalit kung madalas tamaan ng ganitong kalamidad ang mahihirap na kababayan,magiging balakid ito sa unti-unting pagbangon ng bansa mula sa nakaraang krisis.

Batid ng sambayanan na matagal makabangon ang nakararaming mamamayang tinatamaan ng mala- delubyong sama ng panahon ngayon.

At higit sa lahat, karagdagang pondo na naman ito para sa mga apektadong pamilya sa halip na gamitin sa mga programang tuluyan nang magtutuldok ng kahirapan sa bansa.