DAMING “TSETSE-BURETSE” SA AYUDA

DAMING “TSETSE-BURETSE” SA AYUDA

November 14, 2022 @ 11:09 AM 3 weeks ago


ILANG buwan nang laman ng social media ang panawagan ng mga Pilipino para sa P10K ayuda.
House Speaker pa lang ang proponent nitong si Senador Alan Peter Cayetano, nag-aabang na ang mga Pilipino sa magiging aksyon ng gobyerno.

Pagpasok ng 19th Congress, inihain muli ng senador ang panukalang batas para rito. Lumipas ang tatlong buwan, heto na naman si Cayetano, kinukumbinse ang mga kapwa mambabatas at ang Department of Budget and Management (DBM) na ibigay na ito sa mga pamilyang Pilipino.

Paano nga naman kasi, dumaan na ang kasagsagan ng pandemya, nagtaasan na ang presyo ng lahat ng mga bilihin, nanalasa na ang mga bagyo, hindi pa rin pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang panukalang batas na magbibigay ng P10K ayuda.

Nandiyan naman ang pera para sa subsidiya, wika nga ni Cayetano.
Sa katunayan, P200 bilyon nga ang nakalaan. Ang problema, nakakalat sa iba’t ibang ahensya, at walang ideya ang mga Pilipino na may mga ganoon palang programa na pwede nilang aplayan.

Sa kasalukuyan, ang panukalang budget para sa susunod na taon ay may mga cash aid na para sa mga magsasaka, mangingisda, Pantawid Pamilyang Pilipino Program, displaced workers, at mga driver ng pampublikong sasakyan.

Kaya lang, kung ganito ngang kalat-kalat, baka ang maging ending na naman ay matengga ang pondo nang hindi nakararating sa dapat makinabang sa panahon na kailangang-kailangan.

Noong nakaraang taon, may P780.71 milyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi na-claim ng dapat sana’y mga benepisyaryo. May mga sumubok na mag-apply para makakuha nito, pero kung hindi man na-reject ay hindi na na-claim sa remittance center ang pera dahil sa kalituhang dulot ng mahabang proseso.

Hindi na mauulit ang mga iyan kung idederetso na lang sa bawat pamilyang mahihirap ang ayuda.
Ang sabi nga ni Cayetano, wala nang dapat piliin at lahat ay mabibigyan.

Matapos ang matinding pandemya at pagsirit ng presyo ng mga bilihin sa ngayon, dapat maging simple na ang proseso at wala nang tsetse-buretseng dadaanan ang mga benepisyaryo bago sila makakuha ng ayuda.

Dapat ay agad-agad dahil kumakalam na ang kanilang mga sikmura. Oo nga’t nasa batas ang pagkakaroon ng mga ahensya ng gobyerno ng iba’t ibang programa para sa subsidiya tuwing emergency, ngunit dapat pag-aralan na pag- isahin na lang ang mga subsidiyang ibinibigay sa iba’t-ibang sektor gaya ng 4P’s, TUPAD, AICS, benepisyong bigay ng LTO sa mga drayber at iba pang tulong na mula sa gobyerno.

Mas maganda kung ito ay ididiretso sa kamay ng ating mga kababayan na nangangailangan sa ngayon.

Kung talagang matatalino at may malasakit ang mga ang mga nakaupong opisyal sa economic team ng gobyerno, pwedeng-pwedeng mangyari ito.