Danao sa suspek sa Mandaluyong hit-and-run: Sumuko ka na

Danao sa suspek sa Mandaluyong hit-and-run: Sumuko ka na

June 13, 2022 @ 4:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Hinamon ni acting Philippine National Police (PNP) chief Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. nitong Lunes ang suspek sa hit-and-run incident sa Mandaluyong City nitong nakaraang linggo na sumuko na.

“Tsina-challenge kita, Mr. San Vicente. Ayaw mo sumurrender, tama? Isa lang sasabihin ko sa ‘yo: Baka adik ka. Bakit ayaw mo sumurrender?” pahayag ni Danao.

Tinutukoy ni Danao ang rehistradong owner ng SUV na nakita sa dashcam video na sinagasaan ang security guard na nagsasagawa ng traffic duty.

Ayon kay Danao, nakapaghain na ng reklamo laban sa suspek. Inaasahang ilalabas ang warrant of arrest ngayong araw.

“Because no person in his right senses will do that. Nakabangga ka na nga ng tao, imbis na tulungan mo lalo mo pang sinagasaan. Anong klaseng utak ‘yan? Baka gumagamit ka [ng droga] kaya ayaw mo sumurrender. Remember, the PNP already filed a case against you,” sabi ni Danao.

Hindi ito ang unang beses na naharap sa reklamong reckless driving ang suspek, ayon kay Danao.

Gayundin, pinabulaanan niya na may koneksyon sa pamahalaan ang may-ari ng sasakyan. RNT/SA