Danyos sa agrikultura sa bagyong Karding, umakyat na sa P2.02B

Danyos sa agrikultura sa bagyong Karding, umakyat na sa P2.02B

September 29, 2022 @ 4:13 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa mahigit P2 bilyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa pananalasa ng bagyong Karding.

Ito ang iniulat ng Department of Agriculture ngayong Huwebes, Setyembre 29 kasabay ng public briefing ng pamahalaan.

Ayon kay Agriculture Secretary Domingo Panganiban, umabot na sa P2.02 bilyon ang kabuuang halaga ng production loss sa huling datos nitong umaga.

Mas mataas ito sa P1.97 bilyon na pinsalang iniulat nitong Miyerkules, Setyembre 28.

Sa nabanggit na halaga, nasa 91,944 mga magsasaka at mangingisda naman ang naapektuhan dahil dito.

Kaugnay nito, iniulat naman ng Disaster Risk Reduction and Management Operations Center ng Kagawaran na aabot sa 150,693 hektarya ng lupain ang sinira ng bagyong Karding mula sa mga rehiyon ng Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region at Western Visayas.

Umakyat naman sa 117,662 metriko tonelada ang nawalang bilang ng produksyon o production loss.

Patuloy naman nakikipag-ugnayan ang DA sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa posibleng tulong na maibibigay nito sa mga apektadong magsasaka at mangingisda. RNT/JGC