DAPAT BANG MAKULONG NA ANG EDAD 9-15 ANYOS?

DAPAT BANG MAKULONG NA ANG EDAD 9-15 ANYOS?

August 31, 2018 @ 7:57 PM 4 years ago


 

Napakarami na ngayon ang nasasangkot sa krimen na ang edad ay bago mag-18 at pababa.

Menor-de-edad ang tawag sa mga ito.

Dahil menor-de-edad, hindi basta maposasan ang mga ito ng mga awtoridad at ikulong at pagbayarin ng danyos.

Karaniwang ipinapasa ang mga ito sa Department of Social Welfare o kaya’y isinasauli sa mga magulang para sila na ang bahalang magdisiplina sa mga ito, lalo na sa mga masasabing maliliit na maling gawa ng mga ito.

Bawal nga rin sa media na kinapapalooban natin na ilabas ang litrato ng mga ito kahit wanted sila sa mga karumal-dumal na krimen gaya halimbawa ng rape, pagpatay, robbery, paggamit o pagtutulak ng droga, arson o sadyang panununog.

KINASASANGKUTANG MGA KRIMEN

Halos araw-araw na may iniuulat ng media na mga menor-de-edad o mas bata sa 18 anyos na sangkot sa krimen.

Marami sa mga ito ang nagiging tulak o runner ng droga o adik.

Marami rin ang sangkot sa pagnanakaw gaya ng holdap, isnatsing, akyat-bahay, agaw-cellphone at iba pa.

Meron ding mga motornapper, bukas-kotse at iba pa.

Mayroon ding nangre-rape at pumapatay.

At meron ding mga sangkot sa mga cyber crime, kasama na ng cyber libel.

PATI EDAD 9-15

Ayon sa pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency, may natatagpuan silang mga sangkot sa droga na nasa 9-15 anyos.

Sa mga kasong matatagpuan sa mga barangay, mayroon ding krimen na ganito.

‘Yun bang… may mga 9-15 years old na kasama  ng mga akyat-bahay at iba pang istayl ng pagnanakaw at droga rin.

Ang mga ito kasi ang madaling makapasok sa mga maliliit na butas o bintana ng mga bahay na ninanakawan at madaling mautusan sa pagdadala ng droga.

Pero dahil nga sa ganitong edad, karaniwan na lang na pinakakawalan ang mga ito ng mga taga-barangay o dili kaya’ ipinapasa sa Department of Social Welfare and Development.

Ang mga notoryus o paulit-ulit ang gawa, inilalagay sa mga detention facility para sa mga menor-de-edad

EDAD 15-18

Sa Pangilinan Law, ang edad 15-18 ay pinanagot na sa batas.

Pero mas magaan ang parusa sa mga ito kumpara sa mga parusa sa mga may edad.

Ayon sa mga may gustong ibaba sa hanggang 9 ang taon para makulong na sa kanilang mga krimen, napakabilis umanong dumarami ang mga menor-de-edad na sangkot sa krimen.

Hindi umano masasabing basta inosente na lang ang mga ito dahil sa rami ng mga impormasyon na nasasagap ng mga ito, lalo na sa bisa ng tekonolohiya.

Marami nang 9 years old pataas ang nakaaalam na ang pag-rape, pagpatay, pagnanakaw, pagkarnap at iba ay mabibigat na krimen at naparurusahan ng pagkakulong at pagbabayad ng danyos.

Isa pa, ginagamit sila ng mga may edad sa paggawa ng krimen at dito rin nila nalalaman na krimen ang kanilang ginagawa.

Ang paggamit sa kanila ng mga may edad ay dahil libre ang mga ito sa anomang kaso ng krimen at kung maparusahan man ay magaan lamang.

KATANUNGAN SA MAMAMAYAN

Habang nag-aaway-away ang mga magagaling na mambabatas kung anong amyenda sa batas ang dapat gawin, dapat ding mag-usap-usap ang mga mamamayan at ilabas ang kanilang mga paniniwala.

Hangga’t maaari ay ibatay ang lahat sa karanasan.

Isama sa mga usapin ang rekord ng mga barangay dahil marami sa mga ito ang hindi nakaaabot sa mga munisipyo, pulisya at DSWD.

‘Yung bang… masasabing malaki ang kakulangan ng mga datos na pinagbabatayan ng mga nasa Kongreso.

Kung maisasama ang mga datos sa barangay na wala sa munisipyo, pulisya at DSWD ngunit alam ng mga taga-barangay, higit na mas mayaman ang mga impormasyon na pupwedeng doon mabuo ang anomang pag-amyenda sa batas.

HUWAG PULITIKAHIN

Dapat na isantabi ang pamumulitika at iba pang pansariling interes sa usaping ito.

Mayroon kasing mga mabunganga lang para makuha ang suporta ng mga simbahan na may malaking boto sa panahon ng halalan.

At kung ano ang ikasisiya ng mga simbahang gusto nilang bingwitan ng malaking bilang ng boto, ‘yun ang kanilang pinapaburan sa paggawa o pag-amyenda sa batas.

Mayroon namang mga hindi nakararanas sa mga ito ng mga krimen ng mga kabataan kaya lumalabas ang ampaw nilang mga paninindigan.

Hindi nila nararamdaman ang sakit ng mareypan ng anak, mamatayan ng mga magulang, manakawan, makarnapan, makidnapan at iba pa na gawa ng mga menor-de-edad.

Muli, dapat na makilahok ang mga mamamayan, lalo na ang mga biktima sa kasalukuyang mga diskusyon sa usaping ito at ilabas ang kanilang mga saloobin.

Kapag maging aktibo ang mamamayan dito ay may mabuong mga pagbabago sa batas na ikagagaling ng ating buong lipunan na good for us all.

oOo

Anomang reaksiyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa [email protected]ULTIMATUM NI BENNY ANTIPORDA