DAPAT BANG REGISTERED OWNER NG SASAKYAN ANG SUMAGOT SA PENALTY? (2)

DAPAT BANG REGISTERED OWNER NG SASAKYAN ANG SUMAGOT SA PENALTY? (2)

September 15, 2021 @ 8:00 AM 7 days ago

  •  
  •  
  •  

IPAGPATULOY natin ang usaping “Dapat ba na ang registered owner ng sasakyan ang sumagot sa penalty sa no-contact traffic violation ng driver?

Tangalin muna natin ang teknolohiya ng no-contact apprehension at magbigay tayo ng halimbawa – nahuling lumabag sa no-parking ang driver ng isang sasakyan, sino ang bibigyan ng ticket ng enforcer?

‘Di ba’t yung driver?

Sino ang nakalagay sa ticket na violator? ‘Di ba’t ‘yung driver?

Ngayon pwede bang sabihin ng driver sa enforcer na “boss, yung registered owner ang isyuhan ng mo ticket!”

Bakit ‘pag may no-contact na ay iba na ang prinsipyo na ipaiiral at ‘pag hindi nabayaran ng driver ay yung registered owner ang dapat magbayad?

Bakit marami ang tutol dito? Dahil ang napaparusahan ng multa ay hindi ang traffic violator.

Sa Quezon City council, pinaliwanag natin ang mga puntong ito kaya naman nagmungkahi tayo ng ilang amendments para maging patas ang implementasyon.

Ngunit nakinig lang sila at ipinasa pa rin nang hindi napagbigyan ang mga  amendment. Nangako lamang sila na ipatutupad nang patas ang no-contact sa lungsod.

Ang teknolohiya ng private provider ng mga LGU sa no-contact apprehension ay iisa. Ang nakukunan ng camera ay ang plate number lamang. Dapat sana ay nakukunan din ng camera ang mismong driver.

Pero dahil hindi, sa ordinansa ay PRESUMED VIOLATOR ang registered owner.

Paano kung corporation o kooperatiba ang registered owner, presumed driver pa ba kahit hindi tao ang nakarehistro?

Sabi ng isang konsehal, yun daw presidente ng corporation ang presumed driver? Ano so kung pag-aari ng San Miguel Corporation ang sasakyan ang presidente ng San Miguel ang presumed driver?

Ang mungkahi namin, ang presumed driver principle ay gamitin lang kung ang registered owner ay tao. Padalhan ng notice of violation pero hindi bilang presumed driver.

Dapat din sana kapag inamin na ng naturang driver ang kanyang violation o kaya ay napatunayan na ng registered owner na hindi siya ang driver ay hindi na ipaa-alarma ang rehistro ng sasakyan kundi ang lisensya ng driver ang ialarma sakaling hindi makabayad ng multa. Iaalarma lang ang rehistro kung ang registered owner at driver ay iisa.

Pero paano kung hindi makabayad ang driver? May lisensya na dapat habulin hindi ‘yung rehistro. Basic na HINDI ANG SASAKYAN ANG TRAFFIC VIOLATOR KUNDI ANG DRIVER.

Sa Kongreso ay naghain na si Cong. Doy Leachon ng panukala upang ma-regulate ang no-contact traffic apprehension sa buong bansa. Patas sana at maganda na matingnan ng mga LGU ang panukalang ito.

Sana rin ay tingan ang probisyon ng Traffic and Transportation Code o RA 4136 kung saan nakasaad doon sa Art. III sec 62 – No Provincial Board, City or Munical Board or Council shall enact or enforce any ordinance or resolution in conflict with the provisions of this Act.

Kasama ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa coalition na nananawagan na isuspinde muna ang implementasyon ng no-contact apprehension sa ilang LGU na nagpapatupad na o ‘di kaya ay nagbabalak na ipatupad na ito.

==============================================

Atty. Ariel Inton

President, Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) 09178174748


  •  
  •  
  •