DAPAT MAY AHENSIYANG TUTUTOK SA BAGSIK NG BAGYO

DAPAT MAY AHENSIYANG TUTUTOK SA BAGSIK NG BAGYO

October 4, 2022 @ 3:03 PM 2 months ago


SA ipinamalas na bagsik ng mga nagdaang bagyo, muling umugong ang kahalagahan nang isinusulong na panukalang magbibigay-daan sa isang departamentong ang tanging mandato’y tutukan at tumugon sa mga tawag nang pangangailangan ng mamamayan bunsod ng kalamidad o sakuna

Lamang, may mga mambabatas na tila hindi pabor na magkaroon ng Department of Disaster Resilience bagaman binanggit na ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address noong Hulyo.

Malinaw ang adyenda ng Punong Ehekutibo na alisin ang mga tanggapang may kaparehong mandato at lumikha ng ahensiyang sasagot sa pangangailangan ng mamamayan kapag may bagyo, lindol, tsunami, sunog at iba pa.

Kung pag-aaralan ang pananaw ng Pangulong Marcos sa paglikha ng nasabing tanggapan, mukhang mas makatitipid ang pamahalaan basta mailatag ng maayos sa Senado at Kongreso ang mekanismo sa paglikha nito.

Kaya lang, ang magagaling na mambabatas ay inuna pa ang pagpapalit ng pangalan ng mga pasilidad at pagsawsaw sa mga usaping bayan.

Bakit nga ba kailangan lumikha ng Department of Disaster Resilience?

Ang siguradong dahilan, ang Pilipinas ay nahahanay sa mga bansang madalas dinaraanan ng mga bagyo at pasok sa mga estadong araw-araw niyayanig ng lindol dahil nasa ibabaw mismo ng tinatawag na P’acific Ring of Fire’.

Sa tuwing dumarating ang bagyo at iba pang anyo ng mga sakuna, higit na angkop na maging handa ang gobyernong tumugon sa mga tawag ng saklolo. Hindi wastong kumilos kung kailan nandyan na ang problema.

Ang tama, may permanenteng evacuation centers na pupuntahan ng mga apektado ng kalamidad at sakuna upang maging maayos ang kalagayan at may ahensiyang kakalinga sa kanila.

Ano nga ba talaga ang dahilan at nagdadalawang isip ang mga mambabatas na payagan ang paglikha ng Department of Disaster Resilience?

Kawalan nga ba ng pondo o mawawalan sila ng pagkakataong maka-epal? O baka naman pagkakaroon ng pera sa pagdurusa ng iba?

Palagay ko, kailangan ang kumpas ng Pangulo para kumilos ang mga kagulang-gulang esta kagalang-galang na mga taga-Kongreso.

Anomang puna o reklamo i-text sa 092189274764,
09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com o juandesabog48@gmail.com