DAR acting chief sinibak sa pwesto

DAR acting chief sinibak sa pwesto

June 23, 2022 @ 2:00 PM 7 days ago


MANILA, Philippines- Sinibak sa pwesto ang Department of Agrarian Reform (DAR) chief na si acting DAR Secretary Bernie Cruz ng Palasyo isang linggo bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa isang memorandum na may petsang Hunyo 20, 2022 ng Palasyo, itinalaga si DAR Undersecretary David Erro bilang Officer-in-Charge ng ahensya hanggang Hunyo 30.

Magugunitang si Cruz ay itinalaga bilang acting DAR Secretary noong Nobyembre 2021 makaraang magbitiw si Secretary John Castriciones sa kanyang pwesto makaraang tumakbo sa Senado.

Nabatid sa press release ng DAR base sa pagpapatakbo ng batas, ang appointment ni Cruz ay dapat umanong dumaan sa Commission on Appointments (CA). Ang Kongreso ay nag-adjourn nitong buwan ng Hunyo 2022, samakatuwid, ang appointment ni Cruz ay itinuturing na bypassed na nag-udyok sa OP (Office of the President) na magtalaga ng isang OIC.

Kaugnay nito, itinalaga naman ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. si outgoing Abono party-list Rep. Conrado Estrella III para pamunuan ang DAR.

Si Cruz ay dating Undersecretary for Foreign Assisted and Special Projects Office (FASPO) bago naitalagang acting DAR Secretary.

Si  Erro ay nanumpa sa tungkulin bilang DAR OIC-Secretary na pinangangasiwaan ni DAR Regional Director Cupido Gerry Asuncion. Ang kanyang appointment mula sa Office of the President ay nilagdaan noong Hunyo 20 at natanggap ng DAR records division noong Hunyo 21. Si Erro ay magsisilbing OIC-Secretary hanggang Hunyo 30 kung kalian papalitan naman siya ni incoming Secretary Conrado Estrella III bilang pinuno ng ahensya. Santi Celario