DAR: ARBs isama sa medical assistance ng gobyerno

DAR: ARBs isama sa medical assistance ng gobyerno

October 6, 2022 @ 9:24 AM 6 months ago


MANILA, Philippines – Hiniling ng Department of Agrarian Reform (DAR) na maisama ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa medical assistance program ng gobyerno.

Iginiit ni DAR Secretary Conrado Estrella III na bukod sa agrarian reform program para sa mga magsasaka, tinitingnan din ng departamento ang mga pangangailangan ng mga magsasaka sa buong bansa, na kasama sa siyam na puntos na priority areas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ani Estrella iminungkahi niya kay Pangulong Marcos sa isa sa mga pulong ng gabinete ang posibilidad na isama ang mga ARB sa saklaw ng Department of Health (DOH) bilang mga tatanggap ng programang Medical Assistance for Indigent Patient (MAIP).

Sinabi ng DAR na ang MAIP ay isang patuloy na programa ng DOH na naglalayong magbigay ng tulong medikal para sa mga pasyenteng naghahanap ng konsultasyon, rehabilitasyon, pagsusuri, o mga naka-confine sa mga ospital ng gobyerno.

“Bukod sa pagbibigay ng mga solusyon sa mga problema sa seguridad ng pagmamay-ari ng lupa, pagbibigay ng hustisyang agraryo at pagkakaloob ng mga suportang serbisyo, isinasaalang-alang din natin ang iba pang mga pasanin na dalahin ng mga ARBs,” ayon kay Estrella.

Sinabi ni Estrella na tinitingnan ng DAR ang mas komprehensibong suporta para sa mga magsasaka, ARB, at agrarian reform beneficiaries organization (ARBOs), katuwang ang iba pang pambansang ahensya, upang makatulong man lang na mabawasan ang mga pasanin sa balikat ng mga magsasaka.

Aniya, karamihan sa mga ARB ay kabilang sa marginalized sector ng lipunan at sa tingin ng DAR ay nararapat na tulungan silang tugunan ang kanilang mga medikal na alalahanin.

“Karaniwang umuutang ang mga magsasaka sa tuwing nagkakasakit ang isa sa mga miyembro ng kanilang pamilya. Ang komprehensibong suporta mula sa DAR at iba pang pambansang ahensya ay kinakailangan upang mapagaan ang mga ganitong uri ng pasanin na dinadala ng mga magsasaka,” dagdag pa ni Estrella. Santi Celario