DAR chief nasapul ng COVID

DAR chief nasapul ng COVID

January 20, 2022 @ 5:48 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Agrarian Reform (DAR) na hindi magagapi ng pandemya ng coronavirus disease (COVID-19) ang pagseserbisyo ng ahensya sa mga magsasaka ito’y matapos ihayag ni DAR Secretary Bernie Cruz sa pamamagitan ng isang DAR memorandum na siya ay naka-isolate ngayon sa kanyang tahanan matapos siyang magpositibo sa COVID-19.

Sa nasabing memorandum, ibinunyag ni Cruz noong Lunes, Enero 17, na ang resulta kanyang RT-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction) test ay positibo siya sa COVID-19. Ang resulta ay kanyang natanggap isang araw bago ang kanyang pagdalo sa nakatakdang pamamahagi ng lupa sa Oriental Mindoro.

Kaugnay nito tiniyak ni Cruz sa kanyang memorandum na hindi mapipigilan ng pandempya ang ahensya na ipagpatuloy ang serbisyo nito sa mga magsasaka at stakeholders. Kahit malayo, ipinangako niyang ipagpapatuloy niya ang kanyang mga tungkulin at responsibilidad hanggang sa kanyang pisikal na pagbabalik sa tungkulin.

Sa press release, inanunsyo niya ang resulta para malaman ng kanyang mga opisyal at empleyado ang kanyang kalagayan, at para sa madaling pag-contact tracing sa mga nakatagpo niya.

“Ibinabahagi ko ang kagalakan ko, at ng ating agrarian reform beneficiaries, na kahit hindi ako nakadalo sa pamamahagi ng lupa sa Oriental Mindoro ay naging matagumpay ang aktibidad,” ani Cruz.

Samantala sinabi ni Cruz na inutusan niya si DAR Undersecretary Elmer Distor na kumatawan sa kanya sa aktibidad ng pamamahagi ng mga lupang sakahan sa 220 agrarian reform beneficiaries sa Victoria, Oriental Mindoro.

“Nagpapasalamat ako na nananatili akong asymptomatic. Naka-quarantine ako ngayon at sinusunod ang itinatag na mga health protocols upang maprotektahan ang lahat,” sabi ni Cruz.

Hinikayat niya ang lahat ng kanyang naka-ugnayan na sundin ang mga health protocols  na itinakda ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at ng DAR.

Sa kabila ng pagiging positibo sa COVID-19, sinabi ni Cruz na ang mga taong nakasama niya kamakailan at noong araw ng kanyang RT-PCR test, ay maayos at lahat ay negatibo sa COVID virus.

“Nagpapasalamat ako kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay Senador Bong Go sa lubos na pagsuporta sa DOH (Department of Health) sa programang pagbabakuna sa bansa. Dahil dito, hindi natin kailangang matakot sa nakamamatay na epekto ng virus. Kapag nabakunahan ka na, hindi na magiging malubha ang pagkakasakit at malayong ikamatay mo ito,” ani Cruz.  Santi Celario