DAR, DA sanib-pwersa sa pagpapataas ng ani sa Central Visayas

DAR, DA sanib-pwersa sa pagpapataas ng ani sa Central Visayas

July 6, 2021 @ 5:03 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Upang paunlarin ang pamumuhay ng mga magsasaka nagsanib-pwersa ang Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Agriculture para mapaunlad ang kabuhayan ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa rehiyon.

Sa press release ng DAR sinabi nitong ang DAR Central Visayas na kinatawan ni Regional Director Resty Osias at Department of Agriculture (DA) Regional Executive Director  Salvador Diputado ay nagsanib puwersa para pataasin ang produksyon ng mga ARBs sa Central Visayas.

Ayon kay Osias ang pagtutulungan sa pamamagitan ng nilagdaang memorandum of agreement (MoA) sa pagitan ng DAR at DA ay makapagpapataas sa  produksyon sa bukid ng mga ARBs at magbubukas din ng iba pang mga pagkakataong pang-kabuhayan para sa mga magsasaka sa Central Visayas.

“Magagamit natin ang pagka-dalubhasa ng DA upang matulungan nila ang DAR sa pagbibigay ng suportang serbisyo tulad ng suplay sa agrikultura, pasilidad sa pautang at mga pagsasanay upang palakasin ang mga magsasakang-benepisyaryo,” ani Osias.

Kaugnay nito ipinaliwanag niya na ang DA ay may iba’t ibang programang pang-agrikultura na maaaring makatulong upang mapabuti ang mga lupaing ipinamigay ng DAR sa mga ARB.

“Ang pagkakaloob ng mga pagsasanay tulad ng  modernong gawain sa agrikultura at mga kaalaman sa iba pang teknolohiya ay magpapa-unlad sa kakayahan ng mga magsasaka sa agribusiness at negosyo at magbibigay kakayahan sa kanila upang umunlad ang kanilang mga bukirin,” aniya.

Samantala kaugnay nito pinuri naman ni DAR Secretary Brother John Castriciones ang pangunguna ng dalawang ahensya upang magtulungan dahil ang kanilang pagsasanib ay mabibigyang tulong hindi lamang ang mga magsasaka sa Central Visayas, kung hindi ang epekto nito ay mapapakinabangan din ng mga magsasaka ng buong bansa. Santi Celario