DAR Eastern Visayas nagkaloob ng lupa para sa mga dating rebelde

DAR Eastern Visayas nagkaloob ng lupa para sa mga dating rebelde

November 28, 2021 @ 11:36 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Upang suportahan ang programa ng gobyerno para sa mga rebelde na nagbabalik loob sa pamahalaan nagkaloob kamakailan ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng Eastern Visayas ng tatlong (3) ektaryang lupa sa provincial government ng Samar upang gamitin bilang socialized housing na titirahan ng mga dating rebelde.

Sa press release ayon kay DAR Eastern Visayas Regional Director Robert Anthony Yu, may 144 housing units ang ipagagawa sa donasyong lupa bilang suporta sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng pamahalaan.

“Pormal nating ibinibigay ang lupa para sa pabahay sa Peace and Prosperity Village sa munisipalidad ng Pinabacdao, bilang commitment natin sa Executive Order No. 70, series of 2018 o ang Whole-of-Nation approach upang mapagtagumapayan ang kapayapaan at matapos na ang kaguluhan sa bansa,” ani Yu.

Idinagdag pa niya na hindi nagtatapos ang social justice sa pagbibigay ng lupa para sa socialized housing, ang ahensya ay patuloy na mamamahagi ng lupa para sa mga kwalipikadong agrarian reform beneficiaries (ARBs), kasama ang mga rebel returnees.

Kaugnay nito kasama ni Yu si Bureau of Land Tenure Improvement Director Romeo Reyes sa pag-abot ng Deed of Transfer at titulo ng lupa kay Governor Reynolds Michael Tan, na sinaksihan ni Pinabacdao Mayor Teodoro Mabag at ng mga kasapi ng Provincial Task Force-ELCAC.

Samantala sinabi ni Tan na ang provincial government ay sama-samang magtatrabaho upang makamit ang mga planong nakalatag sa programa ng ELCAC.

Nagpasalamat naman si Mabag sa DAR, kay Governor Tan at kay 2nd district Representative Sharee Ann Tan, dahil sa pagpapatupad ng Peace and Prosperity Village sa munisipalidad.

Ang nasabing lupain ay matatagpuan sa Barangay Catigawan, isang upland village sa munisipalidad na may layong tatlong kilometro mula sa national highway. Santi Celario