DAR: Higit 500K magsasaka makikinabang sa 1 taong moratorium sa pagbabayad ng lupa

DAR: Higit 500K magsasaka makikinabang sa 1 taong moratorium sa pagbabayad ng lupa

October 24, 2022 @ 7:42 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na mahigit kalahating milyong agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang inaasahang makikinabang sa isang taong moratorium o paghinto sa pagbabayad ng amortisasyon sa lupa at ng kaukulang anim na porsiyentong interes.

Ayon kay Estrella halos 1.18 milyong ektaryang lupang pansakahan na ipinamahagi sa 654,000 ARBs ang sakop ng suspensyon sa pagbabayad ng amortisasyon sa lupa at interes.

“Malaking bagay ito para sa ating mga ARBs dahil magagamit nila ang perang dapat sana ay kanilang ibabayad sa taunang amortisasyon at interes para ipambili ng mga gamit pangsaka o para sa maliliit na negosyo na makatutulong para maragdagan ang kanilang mga kita,” ani Estrella.

Sa press statement sinabi ni Estrella na ang moratorium ay kinabibilangan ng pagbabayad ng buong halaga ng lupa at ng anim na porsiyentong interes sa ilalim ng Presidential Decree No. 27, series of 1972 o ang “Operation Land Transfer,” gayundin ang prinsipal na halaga ng 30-taong amortisasyon sa ilalim ng Section 26 ng Republic Act 6657 o ang “Comprehensive Agrarian Reform Law.”

Kaugnay nito, idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang moratorium sa pagbabayad ng amortisasyon sa lupa at interes sa kaniyang talumpati sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address noong ika-25 ng Hulyo 2022.

“Ito na ang panahon para suklian ang ating mga magsasaka,” ani Marcos Jr. matapos pirmahan ang Utos Ehekutibo Blg. 4 noong ika-13 ng September 2022.

Sinabi ni Marcos na ang moratorium ay “magbibigay sa mga magsasaka ng kakayahang ibuhos ang kanilang mga yaman para pagyamanin ang kanilang mga sinasakang lupa, palakasin ang kapasipad sa pag-ani at makatulong sa pagsulong ng pambansang ekonomiya.” Santi Celario