DAR nagbigay ng lupain sa mga magsasaka, agri grads sa OrMin

DAR nagbigay ng lupain sa mga magsasaka, agri grads sa OrMin

January 19, 2022 @ 8:36 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Upang mahikayat ang mga fresh-graduates ng agriculture, na pasukin ang larangan ng agrikultura tapos na ang mahabang paghihintay para 220 magsasaka at mga nagtapos ng kursong agriculture, matapos nilang tanggapin ang kanilang mga Certificates of Land ownership Award (CLOA) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), sa isang seremonya ng pamamahagi na ginanap noon Ika-17 ng Enero sa gymnasium ng Mindoro State University sa Victoria, Oriental Mindoro.

“Nagpapasalamat ako sa Diyos at sa gobyerno para sa titulong ito sa lupa. Mayroon na akong maiiwan sa aking mga anak,” sabi ni Rosalie Pimentero, 61 taong gulang, mula sa barangay Alcate sa Victoria.

Ayon sa DAR tuwang-tuwa naman si Royson Apostol, 24-anyos na nagtapos sa agrikultura nang matanggap niya ang kanyang CLOA.

“Ang lupaing ito at ang aking kaalaman sa modernong pagsasaka ay makatutulong nang malaki sa aking mga magulang at mga kapatid,” ani Apostol.

Sa press release kasama ang mga opisyal ng DAR ng Oriental Mindoro, pinangunahan ni DAR Undersecretary Elmer Distor, ang pamamahagi ng mga lupaing agrikultural na sumasaklaw sa 346 ektarya na matatagpuan sa Barangay Alcate at Villa Cerveza sa Victoria.

Kaugnay nito ayon kay Distor, ang mga lupang pang-agrikultura na ipinamahagi ay ang pag-aari ng Mindoro State University na nakuha sa pamamagitan ng Executive Order No. 75.

Ang EO 75 ay nilagdaan ni Pangulong Duterte bilang batas noong Pebrero 1, 2019, na nagbibigay-daan sa DAR na mapadali ang pagproseso ng mga nakatiwangwang at abandonadong lupaing pag-aari ng gobyerno na maaaring saklawin sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Kaugnay nito hinikayat naman ni DAR Sec. BErnie Cruz ang mga mag-aaral na kumuha ng kurso ng Agriculture upang mapaunlad ang lupang agraryo.

“Kailangan mapaunlad ang sektor ng Agricultura sa pamamagitan ng mga makabagong kaalaman mula sa mga estudyanteng nagtapos sa Agriculture ” ani pa ni Cruz sa isang cellphone interbyu.

Idinagdag ni Distor na ang lupang kanilang nakuha ay maaring maipamana sa kanilang mga anak upang magpatuloy ang pagtatanim na pakikinabangan ng ekonomiya at matiyak ang food security ng bansa. Santi Celario