DAR nagkaloob ng P62M infra projects sa Sarangani

DAR nagkaloob ng P62M infra projects sa Sarangani

March 31, 2022 @ 1:39 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Upang mabilis na maibiyahe ng mga magsasaka ang kanilang mga aning produkto nagkaloob kamakailan ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa lalawigan ng Saranggani ng Php 62-milyong halaga ng mga infrastructure project upang palakasin ang produksyong pang-agrikultura ng mga agrarian reform beneficiary sa bayang ito.

Ayon sa DAR ang mga infrastructure project ay kinabibilangan ng rehabilitasyon ng Sitio Basak patungong Sitio Lambalot farm-to-market road (FMR) sa Barangay Upper Biangan; road opening ng Sitio Atmorok sa Kili Datal FMR sa Datal Batong; road opening ng Sitio Malbulig sa Brgy. Kibala Proper FMR; at konstruksyon ng potable water system level 2 sa Brgy. Datal Batong at Brgy. Datal Bila.

Sa press release ayon kay DAR-12 Assistant Regional Director for Operations Rodolfo T. Alburo, ang apat (4) na Community Infrastructure Development Support Subprojects ay ipinatupad sa ilalim ng Italian Assistance to Agrarian Reform Communities Development Support Program (IARCDSP), isang peace project na pinondohan ng Italian Government, na nakasentro sa  rural development na sinisimulan sa mga agrarian reform community.

“Ang prinsipyo sa proyektong ito ay upang mapagbuti ang pamumuhay ng mga agrarian reform beneficiary at ng kanilang mga pamilya. Kailangan natin silang palakasin dahil sila ang frontliner ng food security ng bansa,” ani Alburo.

Kaugnay nito nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga magsasaka sa local government ng Malungon at sa partnership ng DAR at ng IARCDSP  dahil sa ang proyektong ito ay magbibigay sa kanila ng ng kalsadang magpapabilis patungong merkado at trade centers para sa kanilang mga produkto.

Samantala inalala nila na sa nagdaaang mga taon, matapos ang pagpupursigi nila upang lumago ang kanilang bukirin, ay magsasakripisyo sila ng maraming oras, pawis at pagod upang ibyahe ang kanilang mga produkto.

Nagpasalamat naman si DAR OIC Provincial Agrarian Reform Program Officer II Cenon S. Original sa LGU para sa kanilang financial counterpart at pangako sa pagpapatupad ng mga proyekto. Nagpasalamat din siya sa mga agrarian reform community at binigyang diin na ang ahensiya ay hindi makapagsisilbi ng husto kung hindi sa tulong nila. Santi Celario