Darryl Yap, inokray ang Darna costume ni Celeste!

Darryl Yap, inokray ang Darna costume ni Celeste!

January 16, 2023 @ 4:00 PM 3 weeks ago


New Orleans, Louisiana – Malungkot na masaya ang Pinoy pageant fans matapos ang 71st Miss Universe na ginanap nitong Linggo ng umaga, oras sa Pilipinas.

Malungkot dahil hindi man lang nakapasok sa Top 16 ang pambato nating si Celeste Cortesi.

Ito’y sa kabila ng maugong na tsika na malakas ang laban niya base na rin sa mga survey sa mga pageant site.

Pero masaya na rin ang mga tagatangkilik ng pageant dahil ang kinatawan ng USA na si R’Bonney Gabriel ang kinoronahang Miss Universe.

Si Gabriel ay half-Pinay half-American.

Tinatayang ang mahusay niyang sagot sa Q and A ang siyang nagpanalo sa kanya.

Samantala, ibinunton ng mga Pinoy fans ang sisi sa Darna costume ni Celeste sa preliminary competition.

Sinisi rin nila ang sky blue evening gown na isinuot ni Celeste.

Ang Darna costume at evening gown ng ating pambato ay kapwa nilikha ng Hollywood-based Filipino designer na si Oliver Tolentino.

Nauna nang naiulat ng PEP na last-minute replacement lang ang Darna costume na itinanggi ng MUO director for communications na si Voltaire Tayag.

Ani Tayag, noong una pa man ay Darna costume na ang orihinal na ideyang ipasusuot kay Celeste.

Ayon naman sa Viva director na si Darryl Yap in his social media post, nakamalas daw ang Darna costume.

Nagbiro itong sa susunod naman daw ay pagsuotin ang ating kinatawan ng costume ni Jollibee.

Regarding Celeste’s evening gown, ipinuntos ni Tolentino ang ‘di magandang stage lighting kaya hindi napansin ang ganda nito bagama’t nabigyan ni Celeste ng justice ang pagsuot ng gown.

Sa ‘di pagpasok ni Celeste sa Top 16, winakasan na rin niya ang 11-year winning streak ng Pilipinas na laging pumapasok sa semi-finals.

Nasa audience ang ina ni Celeste na galing pa sa Italy at nobyong nagmula pa sa Pilipinas to give her moral support.

Hindi nagdilang-anghel si Miss Universe 2020 Rabiya Mateo na nagsabing si Celeste ang ikalimang Pinay na magwawagi sa nasabing timpalak. Ronnie Carrasco III