Database para sa VAWC cases inilunsad sa QC

Database para sa VAWC cases inilunsad sa QC

December 14, 2021 @ 4:47 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Dahil sa pagkabahala sa tumataas na mga kaso umano ng  Violence Against Women and Children (VAWC) itinatag ng pamahalaan ng Quezon City ang kauna-unahang pinag-isang database ng mga kaso ng karahasan laban sa kababaihan at mga bata (VAWC) na naiulat sa barangay, city hall at VAWC desk sa mga istasyon ng pulisya upang subaybayan at mapabilis ang pagproseso ng mga kaso ng karahasan batay sa kasarian sa lungsod.

Sa press release, pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte kasama ang QC Gender and Development (GAD) Council ang paglulunsad nitong Lunes ng QC Gender and Development Integrated Management Information System o “QC VAW Centralized Databank System” na gagamitin ng mga desk officer ng VAWC sa 142 barangay, istasyon ng pulisya, at GAD Council ng lungsod.

Nabatid sa QC government na ang paglulunsad ng proyekto ay nagsisilbi rin bilang kulminasyon na aktibidad ng paggunita ng lungsod sa 18-araw na kampanya upang Tapusin ang Karahasan Laban sa Kababaihan.

Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang alkalde sa tumataas na mga kaso ng iniulat na VAWC sa lungsod, tulad ng iniulat ni QC Police District Director Gen. Antonio Yarra noong Setyembre 2021.

Ayon kay Gen. Yarra, nagkaroon ng 66.67% na pagtaas sa mga kaso ng VAWC at 21.54% na pagtaas sa mga kaso ng panggagahasa sa unang walong buwan ng taon kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon. Karamihan sa mga naitalang kaso ay pisikal na pang-aabuso at sikolohikal na pang-aabuso. Napansin din na malaki ang papel ng pandemya sa pagtaas ng takbo ng mga kaso ng VAWC.

Samantala, inatasan ni Mayor Belmonte ang QCPD, QC Protection Center, at Gender and Development office na subaybayan at kumilos nang mabilis sa mga tawag at ulat na may kinalaman sa VAWC at iba pang mga insidenteng nakabatay sa kasarian. Hinikayat din niya ang QCitizens, lalo na ang mga biktima ng gender-based abuse, na humingi ng tulong sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng gobyerno. Santi Celario