Dating child star, naaresto sa buy bust

Dating child star, naaresto sa buy bust

August 3, 2018 @ 2:02 PM 5 years ago


Quezon City – Humingi ng sorry ang dating child star na si CJ Ramos  na naaresto matapos na maaktuhang bumibili ng shabu sa Tandang Sora, Quezon City noong Martes, July 31.

Inamin naman ni Ramos ang krimen at sinabing natukso ulit siya makalipas ang isang taon nitong hindi paggamit.

“Tumigil na po ako, isang taon na. Pero nung gabing iyon, natukso lang po ako,” paliwanag ng dating actor.

Sa press briefing kanina, iprinesinta ni National Capital Regional Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar  ang naarestong si CJ sa isang buy bust operation.

Napaiyak na lang si CJ nang magbigay ng payo sa iba pang artista na lango rin sa droga.

“‘Wag ninyo nang subukan, kung may chance pa kayo, itigil ninyo na,” aniya.

Nang tanungin siya kung anong nagtulak sa kanya para mapunta sa ganitong sitwasyon, ang tanging sagot lang nito ay “hirap ng buhay at problema.”

Sumikat bilang child star si Ramos noong 80’s at 90’s kung saan bumida siya sa ilang pelikula kabilang na ang “Ang TV Movie: The Adarna Adventure” at “Tanging Yaman.” (Remate News Team)