Dating opisyal ng IBP sinibak ng SC

Dating opisyal ng IBP sinibak ng SC

November 27, 2022 @ 3:22 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinibak ng Supreme Court (SC) bilang abugado ang dating opisyal ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) dahil sa panloloko at paghingi ng P150,000 kapalit ng pag aayos ng isang annulment case.

Sa per curiam decision, iniutos rin ng SC en banc na alisin ang pangalan ni Atty. Remegio P. Rojas sa Roll of Attorneys matapos mapatunayang lumabag sa Lawyer’s Oath at Code of Professional Responsibility (CPR).

Nag-ugat ang disbarment laban kay Rojas dahil sa reklamo ni Jocelyn G.
Bartolome, na naging kaklase ni Rojas sa kolehiyo.

Nabatid na nakipag-ugnayan muli ang complainant kay Rojas para magpatulong hinggil sa annulment na nais isampa ng kanyang kapatid.

Ipinagmalaki umano ni Rojas sa complainant na mayroon siyang kamag-anak na presiding Judge sa Cotabato na maaring mapabilis ang annulment proceeding kapalit ng P150,000.00 na ibibigay umano sa judge.

Agad nagbayad ang complainant ng P90,000.00 bilang advance payment sa judge. Nalaman ng complainant na mismong si Rojas ang nagkarga ng pera.

Nadiskubre din ng complainant na ang ibinigay sa kanya na kopya umano ng annulment decision ay peke matapos nilang ipasuri sa National Statistics
Office (NSO).

Iginiit ng SC na hindi maaring mapalampas ang ginawa ni Rojas na isa pa namang dating opisyal ng IBP South Cotabato at General Santos Chapter bukod pa sa isa rin siyang dating law professor at opisyal ng iba’t ibang civic organizations.

Ayon sa Korte Suprema, tungkulin nito na pangalagaan ang publiko laban sa mga tiwaling abugado.

“Lawyers who have been found to have violated their oath must be
accountable for their actions and must face the consequences of their ill choices that affect the legal profession,” nakasaad sa desisyon.

Iginiit ng korte na dinungisan ni Rojas ang legal profession at naging pabaya sa kanyang propesyon, sa lipunan at sa hudikatura. Teresa Tavares