Dating parak na sangkot sa kidnapping ng e-sabong agent, sumuko!

Dating parak na sangkot sa kidnapping ng e-sabong agent, sumuko!

January 23, 2023 @ 7:56 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Isa pang dating pulis na sangkot sa pagdukot sa isang e-sabong master agent ang sumuko sa mga awtoridad nitong Sabado ng gabi.

Sumuko ang suspek na si dating Police Corporal Roy Navarete, sa Calauan Municipal Police Station sa Laguna, ayon sa ulat.

Nahaharap si Navarete sa warrant of arrest dahil sa kasong may kaugnayan sa kidnapping at serious illegal detention, at robbery kay Ricardo Lasco sa Barangay San Lucas sa San Pablo, Laguna noong August 30, 2021.

Nitong Huwebes, nauna nang sumuko sina dating Police Patrolman Rigel Brosas at dating Police Staff Sergeant Daryl Paghangaan sa Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) Team 4-A.

Iligal na inaresto si Lasco sa kanyang tahanan ng mga suspek na umano’y nagpanggap na National Bureau of Investigation (NBI) agents.

Bukod sa pagdukot kay Lasco, kinuha rin umano ng grupo ang alahas, pera, cellphones, at vault na may lamang pera, ng biktima.

Sa kasalukuyan ay hindi pa alam ang kinaroroonan ni Lasco.

Itinakda sa P400,000 ang piyansa kada isang kaso ng robbery with violence, subalit hindi maaaring magpiyansa para sa kidnapping at serious illegal detention charges. RNT/SA