Dating PS-DBM OIC nagtangkang umalis ng bansa – Tolentino

Dating PS-DBM OIC nagtangkang umalis ng bansa – Tolentino

October 19, 2022 @ 3:14 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Senator Francis Tolentino na nagtangka umanong lumipad patungong Singapore noong nakaraang buwan ang dating officer-in-charge ng Department of Budget and Management – Procurement Service (PS-DBM) na si Lloyd Christopher Lao sa kabila ng pagkakasama nito sa lookout bulletin ng Bureau of Immigration.

Ito ang ibinahagi ng Senate Blue Ribbon Committee Chairman nitong Miyerkules, Oktubre 19 kasabay ng Kapihan sa Manila Bay forum.

“Humingi siya ng clearance. Napagkasunduan ng majority… ng new blue ribbon committee members na hindi siya bigyan ng clearance, but I was informed that there was an attempt last month to Singapore naharang lang ng Immigration,” pagbabahagi ni Tolentino.

Sa pagsisimula pa lamang ng pagdinig ng Senado sa overpriced at outdated laptop ng Department of Education (DepEd), ibinahagi ni Tolentino sa mga kasamahan na nais ni Lao na alisin siya sa lookout bulletin at humihingi ng clearance dahil hindi naman siya humaharap sa kahit anong contempt charges.

Sa kabila nito, napagkasunduan ng mayorya na tanggihan ang hiling ni Lao.

Matatandaan noong Setyembre 2021 ay naglabas ang Department of Justice (DOJ) ng immigration lookout bulletin laban kay Lao at pito iba pang indibidwal sa nagpapatuloy noon na imbestigasyon ng Senado sa iregularidad sa pagbili ng bilyon-bilyon halaga ng pandemic-related supplies ng Department of Health na ginawa sa pamamagitan ng PS-DBM.

Sa kaparehong forum, sinabi rin ni Tolentino na hindi rin pwedeng bumyahe abroad si Lao dahil obligado itong dumalo sa nagpapatuloy na blue ribbon probe para sa DepEd-procured laptops.

“It (his right to travel) is curtailed because he is being required to attend the current blue ribbon hearings… His attendance is being required relative to this laptop deal,” ani Tolentino.

“In fairness to him, he is being cooperative. Uma-attend siya ng hearing. Nagsasalita po siya,” dagdag niya.

Sa ngayon ay wala pang reaksyon si Lao sa isyung ito. RNT/JGC