Dating pulis pinagbabaril patay sa Quezon

Dating pulis pinagbabaril patay sa Quezon

October 14, 2022 @ 10:55 AM 2 months ago


TAYABAS CITY – Patay ang dating pulis matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek habang ang una ay nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan Huwebes ng madaling-araw, Oktubre 13 sa lungsod na ito.

Kinilala ang nasawi na si Kim Carlo Lavado, 36-anyos, residente ng Brgy. Mateuna at dating nakadestino sa Lucena City Police Station.

Batay sa report ng Tayabas Police Station, dakong 1:45 AM naganap ang krimen sa gilid ng kalsada sa Flimon Street, Barangay San Isidro Zone 1, ng naturang lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, matapos maglaro ng basketball ang biktima at kanyang tropa nagkayayaan ang mga ito na mag inuman.

Sa kuha ng CCTV sa pinangyarihan ng krimen, makikitang naglalakad papalapit ang suspek na nakasuot ng bonnet at may bitbit na plastic bag patungo sa kinaroroonan ng biktima.

Dito, mabilis na kinuha ang baril sa plastic at pinagbabaril ang biktima sa dibdib at iba pang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng 5 basyo ng bala ng baril.

Ayon naman kay Tayabas City police commander Lt. Col. Noel Divino , taon 2018 ng matanggal sa serbisyo si Lavado na may kinalaman sa kasong murder.

Nabatid, na isa si Lavado sa mga tumestigo laban sa kanyang mga dating kasamahan na inalis na serbisyo na sina Lt. Col. Mark Joseph Laygo, na noon ay Tayabas City Police Station at mga tauhan na sina Patrolman Robert Legazpi at Cpl. Lonald Sumalpong.

Ang tatlo ay kinasuhan sa kasong pagpatay sa anak ni Quezon Mayor Marcelo Gayeta na si Christian Gayeta, 21, ng Sariaya at bodyguard nitong si Christopher Manalo, 38, noong Marso 2019.

Nanindigan naman sina Laygo na shootout ang naganap na insidente subalit iginiit umano ng saksi na sinadyang patayin ang mga biktima.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa suspek para agaran ikadarakip nito. Mary Anne Sapico