Davao archbishop muling iniluklok ng Santo Papa sa Vatican office

Davao archbishop muling iniluklok ng Santo Papa sa Vatican office

April 19, 2022 @ 9:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magsisilbi pa ng panibagong limang taon si Davao archbishop Romulo Valles bilang miyembro ng Congregation for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments (CDW) of the Vatican matapos siyang muling italaga ni Pope Francis sa kanyang posisyon

Ayon sa artikulo na ipinost sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), natanggap ni dating CBCP president ang kanyang reappointment noong March 29 at isinapubliko lamang ng archdiocese kahapon, April 18.

Sinabi nito na ang muling pagtatalaga ay ipinarating ng Secretariat of State ng Vatican kay Arsobispo Arthur Roche, prefect ng departamento ng Vatican, noong Marso 18.

Sa kanyang liham kay Roche, sinabi ni Valles na nasurpresa siya nang siya ay muling bigyan ng isa pang pagkakataon na magserbisyo sa dicastery.

Idinagdag niya na “isang kagalakan na maglingkod sa Simbahan sa ganitong paraan” at katawanin ang Pilipinas sa dicastery, pagkatapos tanggapin ang kanyang muling pagtatalaga.

October 2016 nang italaga ni Pope Francis si Valles kasama ang 26 iba pang Obispo bilang miyembro ng CDW.

Nagsilbi din itong chairman ng CBCP Episcopal Commission on Liturgy mula 2001 hanggang 2009.

Ang tanggapan ng Vatican ay humahawak ng mga bagay tungkol sa liturgical dimensions ng Simbahan, partikular sa mga usapin ng pagpapaunlad at pangangalaga sa disiplina at wastong pagdiriwang ng liturhiya. Jocelyn Tabangcura-Domenden