Davao de Oro, isinailalim na sa state of calamity dahil sa LPA

Davao de Oro, isinailalim na sa state of calamity dahil sa LPA

April 8, 2022 @ 7:25 PM 3 months ago


DAVAO DE ORO – Nagdeklara na ang Sangguniang Panlalawigan ng state of calamity sa probinsya kasunod ng pinsalang idinulot ng low pressure area (LPA) sa mga ari-arian at sektor ng agrikultura.

Sa Resolution No. 1813-2022, nagdeklara ang Sangguniang Panlalawigan ng state of calamity upang mapabilis ang paghahatid ng mga serbisyo sa mga naapektuhang komunidad.

Base sa initial assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council’s Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (PDRRMC-RDANA), matinding napinsala ng LPA ang mga kabahayan, imprastraktura, kabuhayan, pananim, agricultural products at linya ng kuryente sa probinsya.

Hindi naman nakasaad sa resolusyon ang halaga ng danyos na idinulot ng LPA.

Samantala, kaninang alas-3:00 ng hapon, huling namataan ang LPA sa layong 185 kilometers silangan hilagang-silangan ng Surigao City.

Bukod dito, isa pang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayan ngayon ng PAGASA na huling namataan sa layong 2,215 kilometers silangan ng Mindanao. RNT/ JCM