Davao del Norte-Bukidnon road, limitado pang madaraanan sa landslide

Davao del Norte-Bukidnon road, limitado pang madaraanan sa landslide

January 15, 2023 @ 11:54 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Limitado pa ang maaaring dumaan, o tanging mga light vehicles lamang ang pinapayagan sa highway na nagdurugtong sa Talaingod, Davao del Norte at Bukidnon.

Ito ay dahil sa naitalang landslide sa lugar na dulot ng malakas na pag-ulan nitong Biyernes ng gabi, Enero 13.

Sa impormasyon, nangyari ang pagguho ng lupa sa Sitio Balacayo, Barangay Kalagangan, San Fernando, Bukidnon.

Saad naman sa abiso nitong Sabado ng gabi, Enero 14, naalis na ng Department of Public Works and Highways ang bahagi ng dalisdis ng bundok na humarang sa kalsada.

Ani Maj. Elfren Barredo, hepe ng Talaingod police, isang lane pa lamang ang madaraanan para sa mga maliliit na sasakyan.

Nakapwesto naman ang pulisya upang magpatupad ng stop-and-go scheme sa naturang kalsada.

Inaabisuhan ang mga malalaking sasakyan na dumaan na lamang sa Bukidnon-Davao City na ruta. RNT/JGC