Dawlah member patay sa engkwentro

Dawlah member patay sa engkwentro

June 30, 2022 @ 11:37 AM 2 months ago


TUPI, Cotabato — Patay ang isang habal-habal driver habang sugatan ang isa pa matapos silang pagbabarilin ng miyembro ng Dawlah Islamiyah-Soccsksargen, Miyerkules ng hapon sa bayang ito.

Dead-on-arrival nang idating sa ospital ang biktimang si Percy Lagne Jr., 43 anyos, habal habal driver, residente ng Purok 4, Barangay Polonuling, Tupi habang ginagamot sa ospital si Noel Alconera, 62 anyos, may asawa, residente ng Perez, Subdivision, Purok Malakas, Barangay San Isidro, General Santos City.

Nasawi naman sa hot pursuit operation ang suspek na kinilalang si Montaser Bansil Catucan, alias “Tong Catucan,” miyembro ng Dawlah Islamiyah-Soccsksargen.

Batay sa report ng Tupi Municipal Police Station, bandang 12:00 PM naganap ang pamamaril sa terminal ng mga habal-habal sa Crossing Polonuling, Purok 15A, Barangay Polonuling, Tupi, South Cotabato.

Lumaba sa imbestigasyon, lulan ang mga suspek ng motorsiklo at pagdating sa terminal bigla na lamang pinagbabaril si Lagne at bago tumakas ay binaril din si Alconera na napadaan lamang sa lugar.

Matapos ang pamamaril mabilis na tumakas ang mga suspek habang dinala naman sa ospital ang mga biktima subalit dineklara na rin patay ng umatending doktor si Lagne.

Agad naman nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad at namataan ang mga suspek sa Purok 5, Barangay Sumbakil, Polomolok.

Sa halip na sumuko ang mga suspek binaril ng mga ito ang mga pulis kaya gumanti na rin ng putok ang operatiba at tinamaan si Catucan.

Isinugod naman ng mga pulis si Catucan sa ospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga habang kasama ng suspek ay nakatakas.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up operation ng mga awtoridad laban sa nakatakas na suspek at inaalam na rin ang motibo sa pamamaril./Mary Anne Sapico