Dayan nanindigang ‘di totoo ang testimonya sa Kamara – De Lima lawyer

Dayan nanindigang ‘di totoo ang testimonya sa Kamara – De Lima lawyer

August 26, 2022 @ 5:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nanindigan si Ronnie Dayan, dating driver at bodyguard ng nakaditineng si dating senador Leila de Lima, na ang testimonya niya noong 2016 sa Kamara ay hindi totoo, ayon kay Atty. Filibon Tacardon.

Sa panayam, sinabi ng abogado ni De Lima na tinapos ni Dayan ang kanyang testimonya sa Muntinlupa Regional Trial Court.

“Isa sa mga highlight is pinatunayan niya na ‘yung kanyang judicial affidavit, kung anong laman ng kanyang judicial affidavit, ay pawang mga katotohanan lamang,” giit ni Tacardon.

“At ang naging epekto nga ay sinasabi niya na ang mga salaysay niya noon sa Kongreso at ‘yung kanyang sinumpaang salaysay na sinumite rin sa Kongreso noon ay pawang mga kasinungalingan at walang mga katotohanan,” dagdag niya.

Magugunitang inihayag ni Dayan na ang pagdadala ng illegal drug money para kay De Lima ay “under duress” at walang benefit of counsel.

Base kay Tacardon, maaaring ipatawag sa korte si dating Bureau of Corrections official Rafael Ragos, maging ibang miyembro ng media.

“Nabanggit niya (Dayan) na merong salaysay si Rafael Ragos na binabawi ‘yung akusasyon laban sa kanya at ipinakita niya sa ating huwes ‘yung salaysay ni Rafael Ragos at dahil dito malamang mapapatawag si Rafael Ragos bilang testigo ng mga akusado sa kaso,” paglalahad niya.

Matatandaang binawi nina Ragos at self-confessed drug lord Kerwin Espinosaang kanilang mga alegasyon laban kay De Lima. Pareho silang humingi ng paumanhin sa dating senador.

Ani Tacardon, itinakda ang susunod na hearing sa Setyembre 30 at Oktubre 28.

Sa kabila nito, inihayag niya na magpupursige pa rin silang tapusin ang kaso sa taong ito nang tanungin ukol sa petsa ng mga hearing.

“I think we’re still on court kasi ‘yung mga susunod na testigo ay maiksi lang naman ang kanilang mga— tingin ko magiging salaysay so we will still push na makuha naman ‘yung aming timeline at magkaroon ng resolusyon ‘yung kaso na ito sa loob ng taon na ito,” aniya.

Naghain ang DOJ noong Pebrero 2017 ng tatlong magkakahiwalay na kaso sa korte laban kay De Lima in kaugnay ng umano’y partisipasyon niya sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison. Isa sa mga kasong ito ang ibinasura noong Pebrero 2021.

Nakaditine siya sa Camp Crame mula Pebrero 2017. RNT/SA