‘Daylight saving time’ vs NCR traffic sinusuri ng MMDA

‘Daylight saving time’ vs NCR traffic sinusuri ng MMDA

March 25, 2022 @ 11:35 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng gobyerno ang pagpapatupad ng daylight saving time sa gitna ng matinding traffic ng sasakyan na naobserbahan sa ilalim ng Alert Level 1 sa National Capital Region (NCR).

“Baka daw puwede na ang pasok sa gobyerno at ang mga transaksyon sa gobyerno ay simulan ng 7 o’ clock at mag-end ng 4 o’ clock,” ani Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes na tinukoy ang daylight saving time bilang rekomendasyon na natanggap nila.

“Yan pong isang oras na iyan sa pasok po ng gobyerno ay malaking bagay dahil hindi lang pumapasok sa trabaho sa gobyerno ang apektado niyan kundi pati na rin po yung mga may transaksyon sa gobyerno.”

Sinabi ni Artes na titingnan na ng MMDA ang rekomendasyon.

Batay sa datos ng MMDA, nasa 405,000 ang daily volume ng sasakyan sa kahabaan ng EDSA bago ang COVID-19 pandemic. Bago ang serye ng bigtime na pagtaas ng presyo ng langis ay nasa 390,000. Bumaba ito sa 370,000 sa panahon ng pagtaas ng presyo.

Sa kasalukuyan, ipinapatupad ang number coding sa kahabaan ng EDSA mula 5 p.m. hanggang 8 p.m. Pinag-aaralan na ng MMDA kung dapat din bang ipatupad sa umaga. RNT