Dayuhang lider ng crime group, dyowa timbog sa Makati

Dayuhang lider ng crime group, dyowa timbog sa Makati

March 24, 2022 @ 7:06 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Arestado British national na di-umano’y lider ng DM Wall Criminal Group at kanyang live-in partner hinggil sa reklamo ng pambubugbog at panunutok ng baril nitong Miyerkules (Marso 23) sa Makati City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) director Brigadier General Jimili Macaraeg ang mga dinakip na suspek na sina Darren Wall y Mark, 44, at kanyang live-in partner na si Khanary Wall y Abejo, 24, Filipino, kapwa negosyante at residente ng Betterliving Subdivision, Barangay Don Bosco, Parañaque City.

Ang banyagang si Wall ay sangkot di-umano sa gunrunning, kidnapping, extortion at drug trafficking na nag-ooperate sa southern part ng Metro Manila kasama ang kanyang live-in partner na si Khanary na miyembro rin ng naturang grupo ng sindikato.

Base sa report na natanggap ni Macaraeg, dinakip ang maglive-in partner dakong alas 2:30 ng madaling araw sa Secret Door Club na matatagpuan sa Doña Carmen panulukan ng Kalayaan Avenue, Barangay Poblacion, Makati City.

Nag-uugat ang pag-aresto sa maglive-in partner dahil sa reklamong natanggap ng pulisya tungkol sa umano’y pambubugbog at panunutok ng baril ni Wall sa isang biktima na nagngangalang John Santos.

Agad namang dumaan sa inspeksyon ang mga suspek matapos ang pag-aresto sa mga ito kung saan narekober ng mga awtoridad sa posesyon ng maglive-in partner ang ilang maliit na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng kulay puting pulbos na hinihinalang cocaine at may timbang na humigit-kumulang 8 gramo na nagkakahalaga ng ₱56,000, anim na plastic sachets na naglalaman ng kulay puting crystalline substance na pinaghihinalaang shabu at isang .9mm pistola na kargado ng 11 bala.

Makaraan ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga suspek ay dinala ang mga ito sa kustodiya ng CIDG para sa kanilang dokumentasyon at disposisyon.

Kaugnay nito ay iniutos naman ni Macaraeg ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon at pagpapaigting ng intelligence upang matunton ang iba pang miyembro ng grupo ni Wall na kasalukuyan pa ring nag-ooperate sa Southern Metro.

Nahaharap ang maglive-in partner na suspects sa patong-patong na kaso na paglabag sa RA 10591 na may kaugnayan sa Comelec Resolution 10728 (Gun Ban), RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act), Article 151 (Disobedience to a Person in Authority), Article 358 (Slander Oral Defamation) at grave threats. James I. Catapusan