DAYUHANG SIGA SA ‘PINAS

DAYUHANG SIGA SA ‘PINAS

October 21, 2022 @ 4:34 PM 2 months ago


MATUTULDUKAN na ang maliligayang araw ng mga dayuhang itinuturing na siga sa bansa makaraang magpalabas ng kautusan si Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. sa Philippine National Police- Security and Protection Group na itigil na ang pagbibigay ng escorts sa ilang POGO workers na nagtatrabaho rito.

Hindi nga naman makatuwiran na ang mga dayuhang ito na iniulat ng PNP na sangkot sa ilang kaguluhan sa Kamaynilaan tulad ng kidnapping,murder at prostitution ay pinoprotektahan pa ng otoridad sa pamamagitan nang pag-deploy sa kanila ng bodyguards.

Sintonado nga naman ang ginagawa ng pamunuan ng PNP na kung sino pa ‘yung pinaniniwalaang nasa likod ng malalaking krimen sa bansa, sila pa ang binibigyan ng proteksyon kaya lumalabas na masyadong makapangyarihan na ang mga Tsino na ito.

Hindi rin umubra ang paliwanag ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. na pawang mga retiradong pulis ang ibinibigay na escorts para sa POGO workers at hindi kailanman sila itinuring na nasa otoridad pa rin.

Bakit nga ba sadyang pabebe ang turing ng PNP sa mga POGO sa kabila nang noon pa ay may pambansang kakulangan na ng mga pulis sa gitna nang tumataas na porsyento ng kriminalidad kung saan maging ang maliliit na krimen tulad ng pandurukot,hold-up at iba ay bumalik na naman sa kalsada?

At mas lalong kailangan tutukan ngayon ng PNP ang tumataas na bilang ng rape,murder at kidnapping sa kasuluk-sulukan ng bansa sa pamamagitan nang pag-deploy ng karagdagang pulis dito sa halip na gawin bodyguards ng POGO workers upang maibsan ang pagtaas ng mga kasong ito.

Walastik,bistado tuloy ng taumbayang malaki ang hatag ng mga Tsino sa ilang matataas na opisyal sa Kampo Crame at mga padrino nilang nakikinabang nang husto samantalang kakarampot lang naman ang kinikita ng gobyerno mula sa buwis na ibinabayad sa operasyon ng POGO sa bansa.

Grabe talaga ang anting-anting ng kwartang ‘yan at sukdulang isantabi muna ng otoridad ang pagtugon sa tumataas na kriminalidad sa bansa samantala todo bantay naman sa mga Tsino na itong sadyang sangkot din sa mga kaguluhan dito sa ating bansa.

Ano mang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email normanlaurio@gmail.com.