DBM, DOH nagtuturuan sa dagdag-pondo sa COVID allowance

DBM, DOH nagtuturuan sa dagdag-pondo sa COVID allowance

September 1, 2022 @ 5:48 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na handa nitong tugunan ang request o kahilingan ng Department of Health (DOH) na karagdagang pondo para sa COVID-19 response allowance ng mga healthcare workers sa kondisyong dapat tugunan muna ng huli ang “deficiencies and substantiates” ng documentary requirements.

“As long as DOH can address the deficiencies in the documentary requirements, DBM will immediately process the request to release funds, based on available budget,” ayon sa DBM.

Ang pahayag na ito ng DBM ay tugon sa naging anunsyo ng DOH na patuloy at nananatili itong nakikipag-negosasyon sa DBM para sa pagpapalabas ng karagdagang pondo upang sa gayon ay mabayaran na ang iba pang healthcare workers na hindi nakatatanggap ng kanilang COVID-19 allowance.

Ani DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nakatanggap sila ng liham mula sa Philippine General Hospital (PGH) na humihiling na maipalabas na ang kanilang One COVID Allowance (OCA).

Matatandaang, noong nakaraang Pebrero, sinabi ng DBM na naglabas ito ng P7.92 bilyon para sa allowance ng mga healthcare worker at iba pang tauhan na sangkot sa pagtugon sa COVID-19.

Noong 2021, iniulat ng ilang healthcare workers na hindi pa sila nakakatanggap ng mga allowance para sa mga serbisyong ibinigay sa gitna ng pandemya ng COVID-19. Kris Jose