DBM: Gov’t employees maaapektuhan ng ‘rightsizing’

DBM: Gov’t employees maaapektuhan ng ‘rightsizing’

July 14, 2022 @ 9:45 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Budget and Management (DBM)  na ang panukalang  “rightsizing” sa gobyerno ay target na isumite sa Kongreso bago pa ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Aayusin po ng programang ito ‘yung mga ahensya na mayroong repetitive functions or overlapping functions,” ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman sa isang panayam.

Layon nito na lumikha ng  mabilis at kaagad na tumutugon na burukrasya.

Ang burukrasya ay kasalukuyang mayroong  187 ahensiya at government-owned and -controlled corporations (GOCCs), tinatayang mayroong dalawang milyong manggagawa.

“Streamlining may be done by merging, restructuring, or abolishing government entities,” ayon kay  Pangandaman.

“Pwede po silang mag-apply doon sa ibang position na pwede nating gawin at mabuo because of the rightsizing po. ‘Yung iba, magbibigay tayo ng tamang programa para sa kanila for retooling. Kasama po natin posible po ang Civil Service Commission,” dagdag na pahayag nito.

Ang mga retirees  ay bibigyan ng kanilang  retirement benefits.

Ang teaching at teaching-related positions, medical at allied medical positions, at military at iba pang uniformed personnel ay exempted mula sa  proposal.

Sa ulat, suportado ni Senador Joel Villanueva ang rightsizing ng mga ahensya ng gobyerno.

Gayunpaman, sinabi ni Villanueva na bago pag-usapan ang rightsizing ay may ilang isyu munang kailangang sagutin ang national government.

Una, sinabi ng senador na 1 out of 10 ng mga awtorisadong posisyon sa national government ang hindi pa rin napupunuan ngayon.

Ayon pa kay Villanueva, kailangan ng komprehensibong pag-aaral sa staffing pattern ng mga government agencies para matukoy kung ang mga kasalukuyang plantilla positions ay lipas na, redundant o hindi na kailangan.

Ikalawa, aniya ay kung bakit marami pa ring mga government workers ang nasa bilang ng Job Order (JO) o Contract of Service (COS) kahit marami pang hindi napupunuang plantilla positions.

Kasabay naman nito ay binigyang-diin ni Villanueva na dapat ding paghandaan ng pamahalaan ang Employment generation program sakaling kinakailangang mag-alis ng ilang mga empleyado sa gobyerno. Kris Jose