DBM naghahanap na ng pondo sa emergency allowance ng health workers

DBM naghahanap na ng pondo sa emergency allowance ng health workers

November 25, 2022 @ 6:16 PM 3 days ago


MANILA, Philippines – Naghahanap na ng pondo ang Department of Budget and Management (DBM) para sa patuloy na pagbibigay ng health emergency allowaces ng mga healthcare workers.

Ito ay ayon kay Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire makaraang pormal na hiniling ng Kagawaran sa DBM na maglabas ng P27 bilyon upang masakop ang benepisyo ng mga healthcare workers mula Hulyo hanggang Disyembre 2022.

Inihirit din ng DOH ang pagpopondo para sa nakaraang mga buwan ng 2022 at mga atraso mula Hulyo hanggang Disyembre 2021.

Tumugon na aniya ang DBM sa kanilang hirit at sinabi na patuloy silang naghahanap ng pondo at isa sa tinitignan ay mga karagdagang revenues.

Nauna nang sinabi ng DBM na ang health emergency allowance o One COVID-19 Allowance ay hindi naka-program para sa paglalaan o appropriations.

Kailangan din umano munag suriin sa Bureau of the Treasury (BTr) kung ang gobyerno ay may magagamit na labis na kita para masakop ang P27 bilyong kahilingan ng DOH. Jocelyn Tabangcura-Domenden