DDR likhain na – Salceda

DDR likhain na – Salceda

June 9, 2022 @ 11:58 AM 3 weeks ago


LEGAZPI CITY – Binigyang diin ng isang kongresista ang agarang paglikha ng ahensiya na dedikado sa pagtugon sa mga kalamidad makaraang sumabog ang bulking Bulusan sa Sorsogon na nagresulta sa libo-libong pamilyang dinala sa mga evacuation centers.

May panukalang batas (HB 5989) ang binalangkas at inihain ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda sa Kongreso, na lilikha sa gayong ahensiya – ang Department of Disaster Resilience (DRR), na naipasa na ng Kamara ngunit nabinbin sa Senado at nalampasan ng nakaraang halalan nitong nakaraang Mayo.

Ayon kay Salceda, na siyang chairman ng ‘House Ways and Means Committee,’ ang kasalukuyang pag-aalburuto ng Bulusan ay nagtutulak na muling ibalik ang pansin ng bansa sa usaping paglikha ng DDR kung saan tiniyak nito na muli niyang ihahain ito sa Kamara.

Libu-libong pamilya sa Sorsogon ang dinala sa mga ‘evacuation centers,’ ng Bulusan na sumabog bandang 10:30 ng umaga noong nakaraang Linggo, matapos umabot sa isang kilometro pataas ang ibinugang usok nito at malawakang “ash fall” sa ilang barangay ng mga bayan ng Juban at Irosin.

Tiniyak ni Salceda na muli niyang ihahain ang kanyang DDR bill sa 19th Congress kung saan ilang bases na itong sinertipikahan ni Pangulong Duterte na sadyang kailangan. Ipinasa ito ng Kamara kung saan umani ito ng 241 boto noong Setyembre 31, 2020 ngunit naipit sa Senado.

Itinuturing ang HB 5989 bilang pinaka-maliwanag na balangkas at tugon sa mga kalamidad na tuwina’y humahagupit sa bansa, kasama na ang ‘pandemic’ na nagbibigay ng ibayong pahirap sa mga Pilipino. May DDR bill din si Salceda na ipinasa ng Kamara noong 2017 ngunit nabigo ding maging batas.

Bukod sa mga pagsabog ng bulkan, malimit ding padapain ng malulupit na bagyo ang maraming pamayanan sa bansa na nagreresulta sa kahirapan sa loob ng ilang mga linggo o buwan. Ito ay dahil sadyang hindi handa ang mga pamahalaang lokal na tugunan ang pahirap na dulot ng mga kalamidad.

Ipinaliwanag ni Salceda na totoong nagbibigay ng suporta ang pamahalaang nasyunal sa mga sinasalanta ng kalamidad, ngunit walang komprehensibong stratehiya at mekanismong nag-uugnay sa mga lokal na pamahalaan para mabisang matugunan nang husto ang hamon ng mga kalamidad na tanging isang ahensiyang nasyunal lamang ang makapagbibigay.

“Hiwa-hiwalay ang mga ‘Disaster risk reduction and management councils’ natin, Dapat nating unawain na walang kinikilalang hangganan ng mga LGU ang mga kalamidad. Sadyang kailangan ang isang pambansang ahensiya para sa ganitong situwasyon, lalo na at wala estraktura at kultura na talagang tumutugon sa ganon. Kung may pambabansang ahensiya ang mamumuno sa gayong pagkilos, madaling matututo ang mga LGU natin,” paliwanag ni Salceda.

Aniya, ang DDR ang magsisilbing pangunahing ahensiya ng pamahalaan na “magiging responsable, mananagot at aasahan na manguna, managasiwa, at babalangkas sa mga hakbang at programang tugon para maibsan ang banta ng mga panganib, tumugon sa mga kalamidad, at manguna sa muling pagbangon at pagsulong mula sa kanilang pananalasa.”

Maraming mga institutusiyon ang katig sa paglikha ng DDR, kasama ang University of the Philippines Resilience Institute (UPRI), Greenpeace Philippines, at ang Local Climate Change Adaptation for Development (LCCAD). RNT