De Lima ibinalik na sa PNP Custodial Center – PNP

De Lima ibinalik na sa PNP Custodial Center – PNP

October 14, 2022 @ 5:09 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ibinalik na sa orihinal na selda sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center si dating senador Leila de Lima matapos ang nangyaring hostage-taking incident noong Linggo, Oktubre 9.

Ito ang sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo ngayong Biyernes, Oktubre 14 kung saan Huwebes ng gabi pa ito ibinalik sa naturang pasilidad.

“Atty. Leila De Lima was brought to PNP Custodial Facility around 7 p.m. of October 13, 2022,” ani Fajardo sa mensahe sa GMA.

Dagdag pa niya, si De Lima mismo ang nagdesisyon na bumalik na sa selda bagama’t humiling na magkaroon ng isang female security escort sa kanyang pwesto.

“Accordingly, Atty. De Lima executed a waiver and signified her intention to go back to her original detention quarters and requested that a female security escort be detailed to her quarters,” aniya.

Kamakailan ay pansamantalang inilipat ang dating Senador sa PNP General Hospital makaraan mailigtas mula sa tangkang pambibihag.

Matatandaan noong Linggo ay nagtangkang tumakas at nanaksak pa ang tatlong preso na sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan, and Feliciano Sulayao Jr. na nagresulta rin ng pagkasawi ng mga ito. RNT/JGC