De Lima naghain na ng mosyon sa agarang paglaya

De Lima naghain na ng mosyon sa agarang paglaya

February 24, 2023 @ 6:51 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Muling naghain ang kampo ni dating senador Leila de Lima ng petisyon na naglalayong ibasura ang drug case na inihain laban sa kanya, kasabay ng agaran nitong paglaya.

Sa 33-pahinang mosyon na inihain sa pamamagitan ng email nitong Huwebes, Pebrero 23, hiniling ng kampo ni De Lima sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 na ibasura ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya, at hilingin ang paglaya ng dating senador at dating driver nito na si Ronnie Dayan.

Saad sa mosyon, si De Lima ay dapat “spared from further inconvenience, expense, pain, anxiety, and the ignominy of prolonged trial proceedings” makaraang bawiin na ni dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos ang nauna nitong testimonya laban sa akusado.

Ngayong Biyernes, Pebrero 24 ay marka ng ika-anim na taon ni De Lima sa detention.

“At the very least, herein Accused should be granted her constitutional right to bail in light of the retraction of the only testimony offered by the Prosecution that supposedly directly links her to the offense charged,” saad sa mosyon.

“No room for doubt is left as to the fabricated and manufactured nature of his earlier testimony for the Prosecution regarding said delivery. Said delivery is nothing but a fictitious and imagined story,” dagdag pa.

Matatandaan na noong Pebrero 2021 ay ibinasura ng Muntinlupa RTC Branch 205 ang isa sa tatlong drug cases na inihain laban kay De Lima.

Nagpapatuloy naman ang pagdinig sa natitirang dalawang kaso.

Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi niya tututulan ang posibilidad ng paghain ng bail plea ni De Lima. RNT/JGC