De Lima pinayagang maka-videocall ang inang may COVID

De Lima pinayagang maka-videocall ang inang may COVID

February 4, 2022 @ 11:13 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Pinayagan ng dalawang Regional Trial Court (RTC) ang ‘extremely urgent’ motion na isinumite ng nakakulong na senador na si Leila de Lima na makausap ang kanyang ina na nasa malubhang karamdaman at nagpositibo pa sa coronavirus disease (COVID-19).

 

Sa inilabas na kautusan nitong Pebrero 3 nina Muntinlupa RTC Presiding Judge Romeo Buenaventura ng Branch 256 at Presiding Judge Abharam Joseph Alcantara ng Muntinlupa RTC Branch 204, nakasaad sa kanilang order na pinapayagan ng dalawang hukom si De Lima na magkaroon ng online video conference call sa kanyang 89-anyos na inang si Norma Magistrado de Lima.

 

Base sa kautusan ni Buenaventura, kanyang pinapayagan si De Lima na makausap ang kanyang may sakit na ina sa pamamagitan ng online video conference call dahil sa humanitarian reason at sa malubhang sitwasyon ng ina ng senadora.

 

Dagdag pa ni Buenaventura na matapos makausap ni De Lima ang kanyang ina ay inatasan ang mga jail escorts ng senadora na ibalik ito sa kanyang kulungan pati na rin ang pagpapatupad ng health protocols, security at escorting procedures na lagging susundin sa lahat ng oras.

 

Sa order naman ni Alcantara ay kapareho din na humanitarian reasons ang pagpayag ng hukom sa mosyon na isinumite ni De Lima sa pakikipag-usap sa kanyang ina sa online video conference call na siya ang gagastos sa lahat na may rasonableng haba ng oras ng pakikipag-usap.

 

Si De lima ay nag-file ng “extremely urgent” motions sa dalawang nabanggit na korte na dumidinig sa kasong conspiracy to commit illegal drug trading na isinampa sa kanya ng Department of Justice (DOJ) noong 2017.

 

Napag-alaman na nagpositibo sa COVID-19 ang in ani De Lima nitong Enero 10 kung saan dinala ito sa Villanueva-Tanchuling Maternity and General Hospital sa Iriga City noong Enero 22.

 

Nito lamang Pebrero 1 ay nakarating kay De Lima na ang mga vital signs kabilang ang pulse rate at oxygen saturation level ng kanyang ina ay patuloy na bumababa kung kaya’t inilipat ito sa NICC Doctors Hospital sa Naga City ng kinabukasan, Pebrero 2.

 

Ayon kay De Lima, magmula ng kanyang pagkakakulong noong 2017 ay nakita lamang niya ang kanyang ina ng tatlong beses kabilang na dito noong Agosto 2019 kung saan pinayagan siya ng korte sa kanyang inihaing ‘very urgent motion for furlough to visit her mother in the family residence at Iriga City during a critical illness.’ James I. Catapusan