De Lima umaasang payagang magpyansa ngayong taon

De Lima umaasang payagang magpyansa ngayong taon

October 25, 2022 @ 11:53 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umaasa si dating Senator Leila De Lima na papayagan siya ng mga korte sa Muntinlupa na makapagpiyansa sa kanyang kinahaharap sa natitira pang dalawang kaso na may kinalaman sa droga.

Nitong Oktubre 24 ay dumalo si De Lima para sa kanyang inihain na pagdinig ng kanyang piyansa sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 256 na dumidinig sa Case No. 17-167 kung saan isinagawa ang cross examination kay prosecution witness Herbert Colangco.

Sa ilalim ng Case No. 17-167, ang mga respondent sa kaso bukod pa kay De Lima ay sina dating Bureau of Corrections (BuCor) director Franklin Jesus Bucayu, Wilfredo Elli, Jaybee Sebastian (namatay na), Ronnie Dayan, Joenel Sanchez at Jose Adrian Dera kung saan ang mga ito ay nahaharap sa kasong conspiracy to commit illegal drug trading.

“Ang kahilingan niya ay sana mapabilis itong proseso ngayon at kung saka-sakali, mapagbigyan siya na makapag-piyansa man lang at makakuha ng temporary,” ani Boni Tacardon, legal counsel ni De Lima.

“Sabi nga niya, mas gusto niya ang bail ngayon. Hopefully sana matapos natin itong taon na ito,” ani Tacardon.

Samantala, nakatakda namang tumestigo sa kasong 17-165 na kinahaharap ni De Lima si dating officer-in-charge ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Rafael Ragos sa darating na Oktubre 28.

Ang pagbabago ng testimonya ni Ragos kung saan sa orihinal niyang salaysay ay nagdala siya ng P10 milyon sa bahay ni De Lima sa Parañaque na ang tumanggap ay si Dayan noong Nobyembre at Disyembre ng taong 2012.

Nitong nakaraang Abril 30 ng kasalukuyang taon ay muling nagsumite si Ragos ng kanyang affidavit at kanya nang itinatanggi na nagdeliver siya ng pera kay Dayan at De Lima. James I. Catapusan