DE-NUMERONG TRAFFIC LIGHT PANATILIHIN

DE-NUMERONG TRAFFIC LIGHT PANATILIHIN

January 30, 2023 @ 11:50 AM 2 months ago


HABANG dinirinig ng Supreme Court ang kaso sa Non-Contact Apprehension Policy na pinaiiral ng ilang Local Government Unit at Metro Manila Development Authority, may napakahalagang nagaganap sa mga kalsada na ating nasasaksihan.

Una, laging sinasabi ng mga traffic enforcer kahit saan sa Metro Manila na ang Metro Manila Development Authority ang may-ari at may kontrol sa mga traffic light na nakakalat sa lugar.

Ikalawa, tagahuli lamang sa mga lumalabag sa  batas trapiko ang kanilang gawain at ang mga motorista ang dapat magreklamo sa MMDA kung anoman ang problema o depekto sa mga traffic light.

Ikatlo, kakaunti lang ang mga de-numerong traffic light na nagbibigay-impormasyon para sa maayos na pagtakbo at paghinto ng mga sasakyan.

Ikaapat, naglipana ang mga traffic light na walang numero at tiyak, maging si Madam Auring ay mabibigong hulaan kung kailan magi-green at magre-red and traffic light kaya sandamukal ang mga hinuhuling lumalabag sa traffic light.

Ngayon naman, mga brad, may mga awtoridad na nagsasabing sisibakin na nila ang mga de-numerong traffic light dahil pinababagal umano nito ang takbo ng trapiko kahit pa may ilang parte ng mga crossing, halimbawa, na walang sasakyang tatawid.

Papalitan ang mga ito ng traffic lights na may 3 segundo lang ang ilaw na yellow o dilaw sa pagitan ng mga red para sa STOP at green para sa GO.

Nagsarbey-sarbey tayo, mga brad, kung ano ang gusto ng mga motorista.

Mas gusto nila ang may numero kaysa wala dahil naiiwasan umano ang pagbuhol-buhol ng trapik sa pagkakaroon ng tamang paghinto at pagpapatakbo ng sasakyan.

Sa karanasan umano ngayon sa napakabilis na pagpapalit ng green at red, naririyan ang pagkabuhol-buhol ng trapik sa pagpapahinto ng mga traffic enforcer sa mga “lumalabag” at “pangongotong” ng iba at sa tsambahan kung kailan dapat hihinto ang sasakyan.