Deadline ng business permit renewal pinalawig ng Manila LGU

Deadline ng business permit renewal pinalawig ng Manila LGU

January 10, 2022 @ 7:23 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Pinalawig ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang paghahain ng “renewal” ng mga business permit makaraang dinggin ng lokal na pamahalaan ang kahilingan ng mga negosyante bunsod na din sa tumataas na bilang ng COVID-19 dulot ng omicron variant.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, ipinasa ng Konseho ng Maynila sa pangunguna ni Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Majority Floor Leader 3rd District Councilor Atty. Joel Chua ang resolution 289 o ang “Resolution extending the deadline for the payment of business permits until March 31, 2022 with waiver of interest, penalty, and surcharges”.

Aniya, sa halip na hanggang Enero 20, 2022 ang deadline ng nasabing paghahain ng renewal ay mabibigyan pa ng sapat na panahon ang mga negosyante upang hindi sila maharap sa “penalty”.

“Marami ang nagrerequest dahil takot sila magpunta ngayon at takot sila mapenalize so bilang pang unawa ng ating pamahalaang lungsod ito po ang pagdinig ng inyong lungsod ng Maynila sa inyong kahilingan,” ani Domagoso.

Ayon pa sa Alkalde, maaari din umanong mag-renew ang mga negosyante sa pamamagitan ng www.gomanila.com upang makaiwas sa posibleng pagkakahawa sa impeksyon.

“Huwag na pong kabahan ang ating mga negosyante na baka sila mapenalize, natatakot din ang ating ibang negosyante na magsama-sama baka mag-create ng unnecessary influx ng tao,” dagdag pa ni Yorme. JAY Reyes