Deadline sa Alien Certificate of Registration ipinaalala ng BI

Deadline sa Alien Certificate of Registration ipinaalala ng BI

February 24, 2023 @ 6:12 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Muling pinaalalahanan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga foreign nationals na may hawak na Alien Certificate of Registration Identity Card (ACR-I Cards) na hanggang Marso 1, 2023 na lamang ang deadline para sa kanilang Annual Report ngayon taon.

Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan, bawat foreign nationals na nananatili at rehistrado sa bansa na may hawak na ACR-I Cards ay mayroong 60-araw para magpasa ng kani-kanilang annual reports.

Nabatid kay Sandoval na ang deadline ng pagpapasa ng annual report ay hanggang sa Marso 1, 2023 kung saan pinapayuhan niya ang mga foreign nationals na huwag nang hintayin pa ito upang hindi magkaroon problema ang pananatili nila sa bansa.

Aniya, maraming mga itinalagang tanggapan at opisina ang BI para magproseso ang mga foreign nationals na may hawak na ACR-I Cards ng kanilang annual report habang maaari din silang magpa-appointment gamit online.

May mga sattelite offices din aniya sila sa mga malls sa Maynila para mas mabilis ang pagpasa nila ng annual report.

Ang mga hindi naman makakapunta o makakapagpasa ng personal ay maaaring magpadala ng kani-kanilang representative basta’t mayroon silang authorization letter.

Samantala, pinaghahandaan naman ng Immigration ang pagdagsa ng mga turista pagsapit ng summer vacation. JAY Reyes